LUNGSOD QUEZON, Okt. 14, (PIA) - -Inilahad ni Secretary Judy Taguiwalo ang mga pagbabagong naisakatuparan sa Department of Social Welfare & Development (DSWD) sa ilalim ng unang 100 araw ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama ang iba pang opisyales ng Kagawaran inilahad sa media ni Taguiwalo ang mga pagbabago sa DSWD kabilang na ang unti unting pagsugpo ng sistemang “Endo” at pagbibigay ng permanenteng trabaho sa may 100 contractual employees nito.
Sinabi ng Kalihim na upang matugunan ang mga nararapat na pagbabago,una niyang pinag-aralan ang lahat ng aspeto ng departamento. Kasama dito ang iba’t ibang programa at serbisyo pati na ang mga hamong hinaharap ng mga empleyado sa implementasyon ng mga ito.
Dagdag pa niya na kaniyang idinidiin sa mga empleyado na laging isaisip at isagawa ang “maagap at mapagkalingang serbisyo.”
Ayon sa Kalihim, maraming kontraktuwal na empleyado ang DSWD na nagsisilbi sa ilalim ng iba’t ibang programa. Ani’ya pinag-aaralan nang mabuti ang posibilidad na sila ay mabigyan ng permanenteng pwesto sa Kagawaran.
Kasalukuyan din umanong pinag-aaralan at sinusuri ang mga pangunahing programa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Kapit Bisig Laban Sa Kahirapan upang higit na maitaas ang serbisyo sa ilalim ng mga programang nabanggit.
Pahayag ni Taguiwalo, “Naging mabilis ang pagdaan ng 100 araw. Marami ang naging pagsubok sa ating landas ng paglilingkod. Ngunit marami ang nagawa at nasimulan sa maiikling panahon.” (RJB/LFB/PIA-NCR)
0 Comments