Philippine Information Agency NCR

EO na naglalagay ng price cap sa gamot, nilagdaan ng Pangulo

LUNGSOD QUEZON, Peb. 20 (PIA) -- Nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte  noong Lunes, Pebrero 17, ang Executive Order number 104 na naglalagay ng price cap sa kabuuang 86 drug molecules o 133 drug formulas sa bansa.
Kalihim ng Kalusugan Francisco Duque III
Sa ilalim ng EO 104 o “Improving Access to Healthcare Through the Regulation of Prices in the Retail of Drugs and Medicines,” maglalagay na ng regulasyon sa mga gamot na sakop ng price cap sa pamamagitan ng pagtatakda ng maximum retail price (MRP) at maximum wholesale price (MWP).
Nagpasalamat si Health Secretary Francisco Duque III sa pagpirma ng Pangulo sa nasabing EO at nagsabing malaking tulong sa mamamayang Filipino ang pagbaba ng presyo ng mga tinukoy na gamot na sakop ng price cap.
“Kami sa DOH ay nagpapasalamat sa suporta at genuine care ng ating Pangulo na mapabuti ang kalusugan at maging komportable ang buhay ng mamamayang Filipino,” pahayag ni Duque sa press conference noong Martes, Pebrero 18.
Ang kautusan upang maibaba ang presyo ng ilan gamot ay ibinatay sa mga sumusunod na  kriterya: 1) mga gamot na  tumutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan  ng karamihang Filipino lalo na yaong mga gamot para malabanan ang “morbidity” o pagkakasakit at “mortality” o pagkamatay; 2) mga gamot na malaki ang taas kumpara sa international prices; 3) mga gamot na limitado ang kumpetisyon o kakaunti  ang generic counterparts; 4) mga gamot na ang “innovator product” ay napakamahal subalit ito ang madalas na binibigay na preskripsyon.
Inatasan din ng DOH kasama ang Department of Trade and Industry at iba pang stakeholders na repasuhin ang pagpapababa ng presyo ng nalalabi pang 35 na mga gamot upang maging pinal na ang listahan na isinasaad sa EO.
Nagsumite na rin ang DOH ng karagdagang 122 na gamot sa tanggapan ng Pangulo, kasama dito ang mga gamot sa hypertension, diabetes, sakit sa puso, sa baga, at cancer.
Kasama rin sa listahan ang mamahaling gamot para sa prematurity, chronic renal disease, psoriasis at rheumatoid arthritis na mga hiniling ng mga pasyente, consumer organization at medical societies.
Ang kautusan sa pagpapababa ng presyo ng mga gamot  ay kaugnay ng ulat ng Pulse Asia sa kanilang isinagawang survey noong nakaraang Nobyembre 2019, nagsasabing ninety-nine percent (99%) ng mga Filipino ay hindi nakabibili ng kumpletong gamot na nireseta sa kanila dahil sa kamahalan ng presyo.
Ipinakita rin ng nasabing survey na 71% ng mga Filipino ay hanggang P1,000 ang inilalaan para sa kanilang buwanang  suplay ng gamot, at 24% lamang ang kayang gumastos hanggang P5,000.
“Mag-iisyu na kami kaagad ng Administrative Order upang maseguro ang epektibong implementasyon ng EO tungkol sa nararapat na presyo ng mga gamot at mamamahagi na rin ng implementing guidelines sa mga stakeholders,”pahayag ni Duque.
“Ang mapapatunayang sumusuway sa nasabing batas bibigyan ng kaukulang kaparusahan ayon sa Cheaper Medicines Act at iba pang kaugnay na batas,” dagdag pa ng Kalihim.
“Hindi natin matatanggap ang napakatataas na presyo ng mga gamot bilang pamantayan o norm. Ang industriya at ang mga health institutions ay dapat maging socially responsible at seguruhing abot kaya ng ordinaryong Filipino ang presyo ng mga gamot. Dapat lahat tayo ay maging tapat sa pagbibigay ng makatarungan at murang gamot. The health of our people is primordial over business interests,” pahayag ni Duque. (PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments