Philippine Information Agency NCR

Pasig City, nanawagan sa publiko na patuloy na sundin ang minimum health protocols


ni: JIMMYLEY E. GUZMAN 

LUNGSOD PASIG, Hunyo 18 (PIA) -- Bagama’t nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) ‘with some restrictions’ ang National Capital Region, nanawagan pa rin ang Pamahalaang Lungsod Pasig sa publiko na patuloy na sundin ang mga itinakdang minimum health protocols.

“Pinapaalalahanan ang lahat na limitado pa rin ang pinapayagang movement ng mga tao sa essential travel katulad ng pagpasok sa trabaho, medical emergencies, at pagbili at pag-access sa mga pangunahing pangangailangan at social services,” nakasaad sa abiso.

Kaugnay nito, pinapayagan na ang paglabas ng mga senior citizen o may edad 60 pataas na nakatanggap na ng dalawang (2) dosis ng COVID-19 vaccine. Ipakita lamang ang Pasig City COVID-19 Vaccination Card para makapasok sa mga establisyamento.

“Wag lang po natin kalimutan ang minimum health protocols. Safe ang mga fully vaccinated pero maaari pa ring makahawa ng iba. Good news, nasa 40,000 o higit sa 60% ng validated senior citizens natin ang nabakunahan na ng first dose,” wika ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa kaniyang Facebook page.

Samantala, balik na rin sa “full operation” ang mga tanggapan sa lokal na pamahalaan.

“Inaasahan po namin ang inyong patuloy na kooperasyon at pakikiisa, lalo sa pagsunod sa mga ipinapatupad na minimum public health standards.” (PIA NCR)

Post a Comment

0 Comments