LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Iginawad ngayong araw ang Safety Seal Certification sa Robinsons Townmall bilang kauna-unahang establisyimento sa Lungsod Malabon na nakapasa sa Safety Seal Program.
Ang Safety Seal Certification ay boluntaryong ina-apply at isang patunay na ang isang establisyimento ay sumusunod sa itinakdang minimum public health standards ng pamahalaan, at gumagamit ng contact tracing na StaySafe.ph o iba pang paraan ng contact tracing na konektado na sa StaySafe.ph.
Pinangunahan ni Mayor Lenlen Oreta, Rep. Jaye Lacson-Noel, DILG Asst. Director Debbie Torres, Robinsons Operations Director for Luzon Myron Lawrence Yao, Lt. Col. Aldrin Thompson, at Malabon Safety Seal Committee Head Atty. Ian Punongbayan ang paggawad ng Safety Seal Certification.
“Ngayong mas maraming negosyo na ang nagbubukas, isang magandang adhikain ng ating pamahalaan ang pagbibigay ng Safety Seal para masigurong ligtas pa rin ang mga pampublikong lugar. Isa rin itong paraan para mabilis nating masugpo ang COVID-19, bukod sa palagiang pagsunod sa 5Ps – Pagsusuot ng face mask at face shield, Paghuhugas ng kamay, Pagtakip ng bibig kung may sakit, Physical distancing (1 meter), at Paglabas lamang kung kinakailangan,” ayon kay Mayor Lenlen Oreta.
Sa pamamagitan din ng pagkakaroon ng Safety Seal Certification, madadagdagan ng 10% ang venue capacity ng isang establisyimento.
“Malaking bagay para sa mga Malabonian ang makitang may Safety Seal ang ating mga establisyimento. Mas magiging panatag ang kanilang kalooban na ligtas at tumutugon at sumusunod sa itinakdang minimum public health standards ang mga gusali at establisyimentong kanilang pinupuntahan,” dagdag pa nito.
Ang Safety Seal program ay nabuo sa pakikipag-tulungan ng Department of Interior and Local Government, Department of Health, Department of Trade and Industry, Department of Tourism, at Department of Labor and Employment. (PIO/PIA NCR)

0 Comments