Philippine Information Agency NCR

Maaari bang magpabakuna ang nagka-COVID?




ni: JEROME PAUNAN

Puwede nga bang magpabakuna matapos magkaroon ng COVID-19? 

Ayon sa Department of Health, Oo.

Puwedeng magpabakuna basta nakumpleto lamang ang paggamot at tuluyan nang gumaling mula sa COVID-19. Hindi na rin kailangang maghintay ng 90 na araw. (Source: DOH DM 2021-0175)

Base sa mga pag-aaral, walang nirerekumendang agwat mula sa paggaling mula sa COVID-19 at pagpapabakuna. 

Ang mga taong gumaling na mula sa COVID-19 ay may humuhupa o humihinang immunity habang tumatagal at maaaring magkaroon ulit ng COVID-19, kaya kailangan pa ring magpabakuna ng mga taong gumaling na mula sa COVID-19 para sa karagdagang proteksyon.

Para naman sa mga nakatanggap ng Passive Antibody Therapy (halimbawa convalescent plasma) bilang bahagi ng paggamot para sa COVID-19, payo ng DOH, kailangan munang ipagpaliban ang pagbabakuna at maghintay ng 90 na araw mula sa huling araw ng pagtanggap ng plasma/monoclonal antibody treatment. (Source: DOH DM 2021-0099).

Sa mga taong nagkaroon muli ng COVID-19 pagkatapos ng unang dose ng bakuna, maaaring makuha ang pangalawang dose basta cleared na sa treatment facility o ng inyong healthcare provider at gumaling na nang tuluyan. Hindi na rin kailangang maghintay ng 90 na araw, paliwanag ng DOH.

Sakaling ikaw ay isang COVID-19 survivor, puwede ka pa rin kumuha ng bakuna para sa flu at pneumonia, maliban pa sa COVID-19 vaccine. Siguraduhin lamang na mayroong 14 araw na agwat mula sa dose ng flu o pneumonia vaccine at dose ng COVID-19 vaccine.

Wala rin na nirerekomendang tatak ng bakuna para sa mga taong gumaling mula sa COVID-19 dahil ang pinakamagandang bakuna ay ang kung ano ang nasa inyong braso. Mas mainam nang may adisyunal na proteksyon mula sa bakuna kesa wala. 


Ang tatak ng bakuna na makukuha ay nakadepende sa:
  • Anong bakuna ang mayroon sa LGU
  • Pagsusuri ng healthcare provider sa health screening
  • Kapag may bakunang dumating sa vaccination site, ilalaan ito para sa mga tao na nasa masterlist alinsunod sa prioritization framework. Kapag may ibang bakunang dumating, ilalaan din ito sa mga taong susunod na nasa masterlist.
Lahat ng bakunang nabigyan na ng Emergency Use Authorization ng Philippine Food and Drug Administration ay epektibo sa pagbigay proteksyon laban sa malubhang COVID-19 at iyong kakailanganin kung ma-admit sa ospital.

Upang mapabilang sa bakunahan, ang bawat lokal na pamahalaan ay mayroong online at manual platform o paraan para makapagparehistro ang mga residente. 

Ilang paraan para gawin ito:
  • Tignan ang ating vaccination registration directory at hanapin ang iyong siyudad o munisipalidad sa listahan dito: 
                http://bit.ly/VaccineRegistrationDirectory
  • Magtanong sa inyong barangay o BHWs at BHERTs
  • Pumunta sa Facebook page Public Information Office (PIO) ng inyong siyudad o lungsod at tanungin kung saan at paano magparehistro.
Kapag rehistrado ka na, bibigyan ka ng inyong siyudad/munisipalidad ng schedule at detalye para sa iyong appointment.

Para sa karagdagang kaalaman ukol sa pagpapabakuna, bumisita sa:

                https://doh.gov.ph/

Tandaan: Suportahan lamang ang FDA-approved na bakuna laban sa COVID-19 para sa kumpletong proteksyon! (DOH/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments