By Alice Sicat
Buhay na buhay ang Luneta Park noong Pebrero 1 nang pormal na buksan ang National Arts Month (NAM) 2026 na pinangunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pamamagitan ng isang malakihang konsiyerto na nagtipon ng iba’t ibang anyo ng sining sa iisang entablado.
Sa Rizal Park Open Air Auditorium, nagsilbing panimulang yugto ang gabing iyon ng isang buwang selebrasyon ng malikhaing lakas at tinig ng sambayanang Pilipino.
Bitbit ang temang “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting,” ipinakita ng pagbubukas ng NAM na ang sining ay hindi lamang aliwan. Isa itong salamin ng karanasan ng mamamayan, daluyan ng pananagutan, at puwersang humuhubog sa kamalayang panlipunan. Sa pamamagitan ng sayaw, musika, at salaysay, binigyang-diin ng programa ang papel ng sining sa pagtataguyod ng makataong pamayanan, maayos na pamamahala, at mas matibay na ugnayan sa loob ng lipunan.
Nagsimula ang selebrasyon sa isang Grand Parade na umikot sa Luneta at humatak ng pansin ng publiko patungo sa pangunahing tanghalan. Pagsapit ng gabi, sunod-sunod na pagtatanghal ang naglatag ng kuwento ng sining—mula sa pinagmulan nito hanggang sa patuloy na papel nito sa kasalukuyang panahon.
Binuksan ang programa sa mga seremonyal na bahagi na sumimbolo sa pagpapatuloy ng pamana at pananagutan sa sining. Ang pagpapasa ng liwanag sa kabataan ay nagsilbing malinaw na pahayag: ang sining ay buhay hangga’t may handang tumanggap, mag-aruga, at magpatuloy nito. Sinundan ito ng mga monologong tumalakay sa sining bilang binhi, alaala, lakas ng loob, at paninindigan—mga temang madaling maunawaan at direktang tumutugon sa karanasan ng mamamayan.
Iba’t ibang grupo ang nagbigay-buhay sa entablado sa pamamagitan ng tradisyunal at kontemporaryong pagtatanghal. Mula sa mga sayaw na nakaugat sa kultura at komunidad, hanggang sa mga modernong koreograpiya at musika, ipinakita ng mga artista ang lawak at dinamismo ng sining Pilipino. Ang pagsasama ng iba’t ibang anyo ay nagbigay-diin na ang sining ay patuloy na umuunlad, nakaugat sa tradisyon ngunit bukas sa pagbabago.
Tampok din sa gabi ang malikhaing industriya sa pamamagitan ng isang fashion segment na nagpakita ng sining bilang kabuhayan at propesyon.
Samantala, ang mga kontemporaryong pagtatanghal ay naglatag ng mga tanong tungkol sa katotohanan sa makabagong panahon, kung paano ito hinaharap, ipinapahayag, at ipinagtatanggol sa gitna ng mabilis na pagbabago ng lipunan.
Sa huling bahagi ng programa, muling nagsama-sama ang mga artista sa entablado para sa isang kolektibong pagtatanghal. Hindi lamang ito pagtatapos ng konsiyerto, kundi isang malinaw na pahayag ng pagkakaisa, na ang sining ay bunga ng sama-samang paggawa, at ang lakas nito ay nagmumula sa bayan.
Higit pa sa engrandeng produksyon, ang pagbubukas ng National Arts Month 2026 ay nagsilbing paalala na ang sining ay mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay.
Sa buong buwan ng Pebrero, inaanyayahan ang publiko na makilahok sa iba’t ibang gawaing pang-sining sa buong bansa—bilang manonood, tagalikha, at katuwang sa patuloy na paglinang ng katotohanan at giting sa Bagong Pilipinas. (AVS/PIA-NCR)
(Photos by Janna Marie Pineda/PIA-NCR)


0 Comments