Philippine Information Agency NCR

Tagalog news: Pasay pinalakas ang kampanya laban sa droga

By Lucia F. Broño


LUNGSOD NG PASAY, Hulyo 10 (PIA) -- Kaugnay ng barilan na naganap sa hangganan ng lungsod ng Pasay at lungsod ng Makati na nag-iwan ng limang patay, naglunsad si Pasay Mayor Antonio “Tony” Calixto ng agresibong kampanya laban sa mga ilegal na droga. 

Inatasan ni Calixto ang Pasay City Police sa pamumuno ni Chief Sr. Supt. Rodolfo Llorca na maging mapagmatyag at sigurado sa mga pagkilos upang mapanatili ang kapayapaan sa lungsod. Nagbigay rin siya ng kautusan na makipag-ugnayan ang mga pulis ng Pasay sa mga pulis ng Makati para sa isang parallel investigation dahil nga ang barilan ay naganap sa hangganan ng dalawang lungsod. “Upang mapaigting ang kampanya laban sa ilegal na droga ay kailangan din nating gamitin ang lahat ng medium katulad ng mass media, billboards, tarpaulin, IEC materials at social media katulad ng Facebook at Twitter,” sabi ni Mayor Calixto. “Kailangang masiguro natin na matutunan ng ating mga constituents ang mga kasamaang dulot ng ilegal na droga,” dagdag pa niya. Pinakilos na ni Calixto ang City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) na ituro sa mamamayan ang tungkol sa Republic Act 9165 na kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drug Act. Kasama na ring ituturo ang epekto ng droga sa katawan, sa relasyon ng pamilya, pinansiyal, mga kaibigan, kapitbahay, propiedad at mismo sa taong gumagamit. Sinabi naman ni police Chief Llorca patuloy ang manhunt operation sa mga pumatay sa limang magkakamag-anak at kanila ng ibinaba sa barangay ang laban sa ilegal na droga. “Nakikipag ugnayan na kami sa mga barangay para sa drug awareness seminar,” ani Llorca. Aniya pa, “Tinatawagan namin ang mga barangay officials at mga residente na ireport kung may mga kahina-hinalang nangyayari sa barangay lalo’t ito’y may kinalaman sa droga.” Samantala, ipinahayag ni Mayor Calixto na kasama sa kanilang awareness campaign ang paggamit sa Drug Abuse Resistant Education o DARE at Kids Against Drugs Program. Sa ilalim ng progoramang DARE ay mamimigay ng module ang pamahalaang lungsod ng Pasay na maaring gamitin sa mga lectures at iba pang educational campaign. Mayroon namang CADAC para sa mga mag-aaral sa high school kung saan kanilang ituturo ang Barkadahan Kontra Droga. Mayroon din iba pang programa katuld ng Students Against Vices And Evils of Drugs o SAVED at Special Drug Education Center para naman sa mga out-of school youth at street children. Inihayag naman ni Metro Manila Police Director Chief Superintendent Leonardo Espina na ang limang biktima na sina Chuckydee Cruz, Andrew Lloyd Cruz , Raymart Saraza, Francis Cruz at Rogelio Diala ay mayroong mga kaso sa drug possession at trafficking at hinihinalang miyembro ng Sputnik Gang. (RJB/LFB/PIA-NCR Pasay PIO)

Post a Comment

0 Comments