LUNGSOD QUEZON, Abril 21, (PIA) - - Ang mga contractual at job order (JO) na empleyado ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay magiging miembro na ng Social Security System (SSS).
Kamakailan ay nagkaroon ng pirmahan sa pamamagitan ng SSS at ng DILG at DSWD upang mabigyan ng benepisyo ang libo libong JO at contractual nitong mga empleyado bilang SSS self-employed members.
Magkahiwalay na pinirmahan ni SSS President at Chief Executive Officer Emilio de Quiros, Jr. ang mga coverage agreements kina DILG Secretary Mar Roxas at DSWD Secretary Corazon Juliano-Soliman.
Sinabi ni Judy Frances See, ang SSS Senior Vice President for Account Management, na bibigyan ng social protection coverage ang abot sa 100,000 DSWD at12,000 DILG na mga contractual workers.
“Ang DILG at DSWD ang mangunguna sa pagsasaayos ng SSS registration at ng regular na remittance payments ng kanilang mga JO at contractual personnel. Kaya’t asahan ng mga manggagawang ito ang mga kapakinabangan ng isang aktibong SSS member katulad ng loan privileges at iba pang benepisyo,” paliwanag ni See.
Aniya pa, “Walang obligasyon ang mga local government units(LGUs) na nasa ilalim ng DILG at ang DSWD Central office kasama na ang mga field offices nito na bayaran ang employer counterpart ng SSS contribution ng mga nasabing empleyado.
Kaniya ring sinabi na ang DILG at DSWD ang magsisigurong maisasama sa kanilang listahan na isusumite ang mga JO o contractual workersna bibigyan ng SSS coverage. Ang dalawang ahensiya rin ang mangangasiwa na regular na maireremit ang mga kontribusyon at bayad sa mga inutang ng mga nasabing manggagawa sa SSS bago mag ikasampu ng buwan.
Kasama ring idedeklara sa SSS ang mga buwanang kita ng mga nabanggit naempleyado dahil ito ang magiging basehan kung magkano ang kanilang magiging buwanang kontribusyon.
Mahigpit din nilang bilin na kailangang agad na ireport ng mga LGU at ng mga tanggapan ng DSWD sa SSS ang kanilang mga bagong JO at contractual na empleyado na isasama sa SSS coverage.
Sa parte naman ng SSS, sila ay magtatalaga ng account officer sa pinakamalapit na SSS branch upang matulungan ang mga LGU at tanggapan ng DSWD sa kanilang mga pangangailangan sa SSS. Ang mga SSS branches naman ang magmomonitor ng compliance batay sa mga termino ng coverage agreement.
“Ang aming mga branches ay magsasagawa ng mga seminar o kapara nitong mga aktibidades katulad ng mga info-seminars sa kahalagahan ng pagiging miembro ng SSS, on-site SSS registration at enrollment para sa Unified Multipurpose Identification System o 'UMID' card para sa kwalipikadong JO at contractual workers,” pagwawakas ni See.
Samantala, ipinahayag ng SSS na makikipagpartner sila sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan sa mga susunod na buwan upang makopya ang gawaing ito at nang makapagbigay social protection sa lahat ng manggagawa. (RJB/LFB/SSS/PIA-NCR)
0 Comments