Philippine Information Agency NCR

Gabay sa wastong nutrisyon nutrisyon para sa mga Filipino, isinusulong ng NNC

By: Lucia F. Broño

LUNGSOD QUEZON, Mar. 3 (PIA) - - Sa gitna ng maraming problema sa nutrisyon at kalusugan ng mamayang Filipino dagdag pa ang sunod sunod na mga kalamidad na nagpapadagdag sa problema,  isinusulong ng National Nutrition Council (NNC) ang revised Nutritional Guidelines for Filipinos (NGF) o Gabay sa Wastong Nutrisyon Para sa mga Filipino.

Sunod sunod at magkabilaang promosyon ang isinagawa  ng NNC upang mapukaw ang pamayanan at sundin ang sampung NGF na pinaikling gabay tungo sa magandang kalusugan.

Sa National Capital Region (NCR), nakaatang ang tungkulin ng pagpapalaganap at pagpapaalam  sa  NGF kay NNC-NCR Regional Nutrition Program Coordinator (RNPC) Milagros V. Federizo. 

Sa kanyang naunang mga pahayag, sinabi ni Federizo, “Ang ang NGF ay mahalagang maipaalam sa mga residente ng NCR na humaharap sa hamon ng dalawang problema ng malnutrisyon, ang under at over nutrition na likha ng makabagong teknolohiya, masungit na panahon at pagbabago ng mga pamumuhay.”

Kaniyang unang ibinahagi ang NGF at kahalagan nito sa mga pangulo ng Liga ng mga Barangay, mga miembro ng Regional Management Group (RNMG), Nutritionists/dietiticians, mga day care teachers at mga Barangay Nutrition Scholars (dahil sila ang derechong makakapaghatid nito sa kanikanilang nakakasalamuhang mga tao.

“Ang promosyon ng NGF ay isang mahalagang istratehiya upang mapabuti ang dietary at mga kaugnay na gawaing pangkalusugan ng mga Filipino,” sinabi ni  Federizo sa isang pahayag.

Ano nga ba ang NGF?

Ang NGF ay mga pangunahing rekomendasyon na naglalayong isulong ang magandang kalusugan sa pamamagitan ng wastong nutrisyon. Ito ay nakasulat sa mga simpleng pangungusap na nagpapayo ng wastong pagkain at malusog na pamumuhay.

Ang NGF ay binalangkas at inilabas sa publiko ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong taong 2000. Dahil sa mga pagbabago ng panahon, ito ay isinaayos ng FNRI  at noong 2012 ay pinagtibay ng National Nutrition Council Governing Board  sa pamamagitan ng Board Resolution No. 6 series of 2012 at kamakailan lang ay inilabas sa publiko.

Layunin din ng isinaayos na NGF na makamit ang Millenium Develoopment Goal (MDG) ng United Nations kung saan isa an gating bansa sa mga pumirma.

Ating busisiin ang NGF:

NGF 1 – Kumain ng iba’t ibang klaseng pagkain upang makuha ang mga sustansiyang kailangan ng katawan. Abot sa 40 ang iba’t ibang sustansyang kailangan ng katawan kaya’t ang pagkain ng sarisari o iba’t ibang klaseng pagkain sa tamang dami ay kailangan.

NGF 2 – Tanging gatas ng Ina ang ibigay sa sanggol mula sa kanyang pagsilang hanggang sa pagsapit niya ng anim na buwan at pagkatapos ay bigyan ng naangkop na pagkain habang nagpapadede hanggang 2 taon o higit pa. Ito ay dahil tanging ang gatas ng ina lamang ang nakakapagbigay  ng tamang nutrisyon sa pangangailangan ng bata habang siya ay lumalaki. Taglay din ng gatas ng Ina ang mga antibiotics na lalaban sa anumang sakit  na maaring umatake sa bata.

NGF 3 – Kumain ng gulay at prutas  araw araw upang makuha ang mga pangunahing bitamina at mineral na kailangan ng katawan para sa maayos na pamamahala ng mga proseso ng katawan.  Mayaman sa micronutrients ang gulay at prutas na tumutulong upang malabanan ang mga micronutrient deficiencies na kadalasan ay nakikita sa mga Filipino sa iba’t ibang nutrition survey.

NGF 4 – Kumain ng isda, laman ng karne, manok at kauri, tuyong halamang buto at mani araw araw para sa paglaki at pagsaayos ng mga “body tissues”. Abot sa 80% na protina ang kailangan para sa paglaki at pagmanteni ng katawan na nakukuha sa mga nabanggit na pagkain.

NGF 5 – Uminom ng gatas, kumain ng mga produkto nito at iba pang mayaman sa calcium para sa malusog na buto at mga ngipin. Ang calcium kasama ang iba pang protina lalo na ang Bitamina D ay kailangan para maiwasan ang osteoporosis at iba pang sakit sa buto.  Ipinapayo na gatas pa rin ng Ina ang pinakamagandang pagkain ng mga baby at mga bata.

NGF 6 -  Seguraduhing malinis ang mga pagkain at tubig na ipapasok sa katawan upang maiwasan ang diarrhea na pang-apat na sanhi ng pagkamatay ng mga batang wala pang limang taon.

NGF 7 – Gumamit ng iodized salt upang maiwasan ang mga sakit na likha ng kakulangan ng Iodine. Ang Iodine Deficiency Disorders ay mga sakit na utak ang sinisira subalit maiiwasan  sa pamamagitan ng paggamit ng iodized salt.

NGF 8 – Limitahan ang pagkain ng maaalat, matataba at matatamis na pagkain upang maiwasan ang mga cardiovascular diseases o sakit sa puso. Ang sobrang maaalat at matataba ay iniuugnay sa mga sakit sa puso  dahil ito ay nagpapalakas ng lebel ng cholestrerol. Samantalang ang sobrang matatamis ay nagpapadagdag ng timbang.

NGF 9 – Panatilihin ang tamang timbang ng katawan sa pamamagitan ng tamang pagkain at mga pisikal na pagkain upang mapanatili ang magandang kalusugan at maiwasan ang sobrang timbang.  Ang NCR na siyang sentro komersiyo  ng bansa ay siya ring pinakamaraming taong matataba mula sa bata hanggang sa matatanda.
NGF 10 – Maging aktibo, piliin ang wastong pagkain, pamahalaan ng maayos ang mga problema, iwasan ang mga inuming nakalalango at huwag manigarilyo upang maiwasan ang mga sakit kaugnay ng uri ng makabagong pamumuhay.

Ang binago o inayos na NGF ay naglalayong pagandahin ang estado ng nutrisyon upang mas mapabuti ang produktibidad at kalidad  ng buhay ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsunod ng magagandang “dietary practices” at “healthy lifestyle.”

Ang NGF ay magiging basehan na rin para sa pagsasagawa ng mga materyales para sa impormasyon, edukasyon at sa iba pang pagpapalaganap upang maayos na maisagawa at masunod ang mga nasabing gabay.

Kaya’t isapusong alamin, gawin at palaganapin ang Nutritional Guidelines for Filipinos para sa malusog at producktibong pamayanan. (RJB/LFB/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments