Philippine Information Agency NCR

BALITANG TAGALOG: Japan Youth Exchange Program, bukas para sa mga mag-aaral sa public highs schools

LUNGSOD QUEZON, 3 Hulyo, (PIA) - -Bilang pakikiisa sa Japan International Cooperation Center (JICE), Inaanyayahan ng Kagawaran ng Edukasyon ang mga mag-aaral sa mga pampublikong sekondaryang paaralan na lumahok sa  exchange program ng Japan para sa school year 2014-2015.

Ang Kagawaran ng Edukasyon ay tumatanggap na ng mga nominasyon para sa Japan East-Asia Network for Students and Youths (JENESYS 2.0) exchange program

Ang JENESYs 2.0 ay isang programa ng pamahalaan ng Japan na naglalayong palaganapin ang kaalaman ukol sa mga kultura at magagandang kaugalian ng Japan sa pamamagitan ng mga youth exchange program.

Abot sa 184 na mga mag-aaral at 16 na mga supervisors o guro ang tatanggapin ngayong taon. Ang mga gastusin sa kanilang paninirahan sa Japan ay aakuin ng pamahalaan ng Japan.

Gagawing nasyunal ang screening at ranking ng mga aplikante.

Ang programa ay bukas para sa mga mag-aaral na 15 hanggang 18 taong gulang, bonafide Filipino citizen at kasalukuyang nag-aaral sa isang pampublikong high school.

Ang mga interesadong aplikanteng mag-aaral ay inaasahang may malalim na interes sa kultura ng Japan at may kaalaman sa Japanese  language.

Ang mga kailangang isumite ng mga mag-aaral ay ang mga sumusunod: 2 kopya ng napunuan ng JENESYS 2.0 entry forms na may kasamang magkaparehong passport sized photos na puti ang background at hindi iniskan na kopya; recommendation letter na gawa, pirmado at selyado ng school head o school principal, recommendation letter na gawa, pirmado at selyado ng isang taong hindi kamag-anak ng aplikante at mga essay na gagawin mula sa ibibigay na set ng essay questions na manggagaling sa kanikanilang Division Office.

Samantala, kasama ring inaanyayahan sa exchange program ang mga supervisor o guro. Ang mga katangiang hinanap ay: bonafide Filipino citizen, hindi aabot sa edad na 50 at walang criminal o disciplinary na kaso laban sa kanila. 

Ang mga kailangang isumite ay dalawang (2) kopya ng mga sumusunod: napunuang JENESYS 2.0 entry forms na may kasamang identical white-background passport sized photos na hindi iniscan, resume (hindi lalagpas sa 3 pahina), sertipikasyon mula sa tanggapan ng Schools Division Superintendent at mula sa principal na pumapayag na lumahok ang guro sa JENESYS, valid police o NBI clearance (1 original at 1 photo copy), at mga kinakailangang dokumentong legal at administratibo mula sa kanilang  Division Office. 

Ang mga aplikasyon ay sasalain sa bawat Division, Region at nasyunal upang  makapili ng nararapat na mga aplikante. Limang aplikante ang ishoshortlist sa bawat rehiyon na tatawagan para sa interview ayon sa Kagawaran ng Edukasyon. (DepEd/RJB/LFB/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments