Philippine Information Agency NCR

Balitang Tagalog: Mga Filipinong Muslim hinikayat na ipagpaliban ang biyahe sa Arabian Peninsula upang makaiwas sa MERSCoV

MAYNILA, 3 Hulyo, (PIA) - -Umaapila ang Department of Health (DOH) sa mga Filipinong Muslim na nagbabalak masagawa ng Hajj o Umrah na ipagpaliban muna ang kanilang byahe sa Arabian Peninsula upang maiwasan ang panganib na dala Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERSCoV) sa nasabing bansa.

“Yung mga may edad na 60 at pataas, buntis, mga batang may edad lima pababa, yung may diabetes, sakit sa bato, chronic lung disease, mahina ang panlaban sa sakit – sila ang tinuturing na high-risk group at may panganib na mahawa ng MERSCoV,” ayon kay Secretary Enrique Ona.

Payo ng DOH sa high-risk group na ipagpaliban muna ang pagbyahe sa Arabian Peninsula kung saan, ayon sa World Health Organization (WHO) , “699 ang kinumpirma ng laboratory tests na nagkaroon ng MERSCoV, kabilang na ang 209 na namatay.”

Naitala na 63.5% ng mga kaso ng MERSCoV ay kalalakihan na may edad mula 9 na buwan hanggang 94 taong gulang.

Ayon sa WHO, kabilang sa mga bansa sa Arabian Peninsula na apektado ang Iran, Jordan, Kuwait, Lebanon, Oman, Qatar, Saudi Arabia (KSA), United Arab Emirates (UAE) at Yemen.

Naglalakbay ang mga Muslim patungong Mecca para sa mga ritwal na ginawa ni Propetang Muhammad sa kanyang huling pagbisita sa lungsod. Ang mga ritwal na ito na tinatawag na hajj, ang ikalimang haligi ng Islam at ang pinakamatinding patunay ng pananampalatayang Islam at pagkakaisa. Ang pagsagawa ng Hajj kahit minsan sa buong buhay ay katungkulan ng isang Muslim na may kakayahang pisikal at pinansyal para tumungo sa Mecca.

Inaasahang magaganap ang Hajj ngayong taon sa pagitan ng Oktubre 2-7.

Ang umrah ay itinuturing na mas mababang uri ng paglalakbay kumpara sa Hajj ng Islam. Ito ay ang pagbisita sa Grand Mosque sa Makkah, Saudi Arabia nang hindi kasabay ng itinakdang panahon sa Hajj. Ang salitang “umrah” ay nangangahulugang pagbisita sa isang mahalagang lugar.

Ang eksaktong petsa ng mga Islamic holidays ay hindi naitatakda nang maaga, dahil isinusunod ito sa lunar calendar. Ang pagtantya ay ibinabase sa inaasahang panahon nang paglitaw ng hilal (ang panahon ng pagtingkad ng buwan, bago lumabas ang ‘new moon’) at ito ay nakabase sa lokasyon.

“Pinapayuhan ang ating mga kababayang Muslim na sumangguni muna sa kanilang duktor bago mag-byahe patungong Mecca para matukoy ang kalagayan ng kanilang kalusugan,” payo ng Kalihim. (doh/pia-ncr)

Post a Comment

0 Comments