Philippine Information Agency NCR

Tagalog news: Malawakang paglilinis sa Marikina isasagawa bilang paghahanda sa tag-ulan

LUNGSOD MARIKINA, 10 Marso (PIA)—Bagama’t papasok pa lamang ang tag-araw, magsasagawa na ng malawakang paglilinis ng mga kalsada, bakanteng lote, parke, at daluyan ng tubig sa lungsod ng Marikina bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.

Ang malawakang paglilinis ay isasagawa sa ilalim ng programang Cash-for-Work ng Tanggapan ni Marikina District II Representative Romero Federico Quimbo katuwang ang pamahalaang lungsod.

Makakasama sa paglillinis at pagsasaayos ang 500 benepisaryo ng Cash-for-Work program simula Marso 16.

 Maliban sa paglilinis at pagsasaayos, layon ng programang makapagbigay ng ayudang pampinansyal sa mga kalahok at maipamulat sa mga ito ang kahalagahan ng kaayusan at kalinisan sa pag-iwas sa kalamidad lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Sa loob ng 15 na araw,  ang mga benepisaryo ng programa ay makakatuwang ng Parks Development Office, City Engineering Office at City Environmental Management Office ng lungsod sa paglilinis at pag-aalis ng bara sa mga estero at kanal,  pag-aalis ng sagabal sa mga eskinita, pagsasaayos ng mga paaralan, multi-purpose buildings, mga gymnasium at barangay hall na ginagamit na evacuation centers.

Tutulong din sila sa pagkukumpuni ng mga daanan, paglalagay ng road safety devices, dagdag na flood alert systems, pagpipintura ng mga gutter at poste ng kuryente, at paglilinis ng mga parke, at pampublikong pamilihan ng lungsod.

Ayon kay Marikina Mayor del De Guzman, bagamat papasok pa lamang ang panahon ng tag-araw ay naghahanda na sila para sa panahon ng tag-ulan upang maitanim sa kamalayan ng  mga residente ng Marikina ang kahalagahan ng paghahanda.

Dagdag pa ni De Guzman na mahalagang paraan din ang programang  upang makatulong na magkaroon ng dagdag na kita ang mga benipisyaryo ng Cash-for-Work program. (PIO Marikina/RJB/SDL/PIA-NCR)

See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/231425890289/tagalog-news-malawakang-paglilinis-sa-marikina-isasagawa-bilang-paghahanda-sa-tag-ulan#sthash.7OyOSA78.dpuf

Post a Comment

0 Comments