LUNGSOD MARIKINA, 12 Abril (PIA)--Ipagdiriwang ng Lungsod ng Marikina ang kanilang ika-385 na taong pagkakatatag sa pamamagitan ng isang linggong aktibidad mula Abril 13-18.
May temang “Remembering the Past, Celebrating the Present, Envisioning the Future”, layon ng pagdiriwang na alalahanin at gunitain ang mahahalagang kasaysayan ng Marikina upang mapagbuklod ang mga angkang naninirahan sa lungsod.
Layunin din ng pagdiriwang na mapagkaisa ang pamayanan sa pagbabahagi ng kultura at kaalaman hinggil sa kaugalian at mabuting pagsasamahan ng bawat Marikenyo.
Ang pamahalaang lungsod ng Marikina sa pamamagitan ng ay muling nag-aanyaya sa lahat na makiisa at makisaya sa isang linggong pagdiriwang ng ika-385 taong pagkakatatag ng Marikina o founding anniversary sa Abril 13-18.
Kabilang sa mga aktibidad na inihanda ng Marikina City Tourism, Culture and the Arts Office (MCTCAO) ay ang mga sumusunod: paglulunsad ng Ka-Angkan Festival, pagpapakilala ng Hermano Mayor at Hermana Mayor sa Freedom Park, at paglulunsad ng Israel–Marikina photo exhibit sa City Hall Quadrangle sa Abril 13; Misa ng Pasasalamat sa Jesus dela Peña Chapel, Marikina Day Breakfast sa Roman Garden Gazebo.
Magsasagawa din ng Marikina Day Grand Parade sa Abril 16, Gabi ng Parangal sa Sentrong Pangkultura sa Abril 17, at Ka-Angkan Amazing Race game, Ka-Angkan Bluff game, Piknikan at Philippine Madrigal Singers Concert sa Marikina River Park sa Abril 17.
“Mahalagang sa kabila ng maraming pagbabago ay hindi natin kinakalimutan ang mga aral ng kahapon lalo na iyong mga tradisyon, pag-uugali at kulturang pamana sa atin ng mga nauna sa atin. Inaanyayahan natin ang lahat na makiisa sa ating pagdiriwang at makisaya sa mga aktibidad na ating inihanda,” wika ni Mayor Del R. De Guzman.
Itinatag ang Marikina noong Abril 16, 1630, tinawag ito noon na Barrio Jesus dela Peña.
Naging munisipalidad noong 1787 sa ilalim ng lalawigan ng Rizal sa pamumuno ni Don Benito Mendoza, una nitong Gobernadorcillo.
Noong taong 1910, opisyal na pinangalanan itong Marikina ng kauna-unahang Philippine Commissioner Trinidad Pardo de Tavera.
Sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, nilagdaan nito ang Republic Act 8223 na niratipikahan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng plebisito na naging daan upang kilalanin ang Marikina bilang isang highly urbanized city. (PIO Marikina/RJB/SDL/PIA-NCR)
See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/231428665290/marikina-magdiriwang-ng-ika-385-na-taong-pagkakatatag#sthash.uG8v8z3z.dpuf
0 Comments