Philippine Information Agency NCR

Publiko pinag-iingat ng DOH kontra polio virus

LUNGSOD MAYNILA, Mayo 4 (PIA) - -Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa polio virus, lalo na yung mga magbibiyahe sa ibang bansa na nagkaroon ng “polio outbreak”.

Ayon sa DOH, simula noong Mayo 2015 hanggang Enero nitong taon, nagkaroon na ng abot sa 34  na “outbreak” o sigalbo ng polio sa iba’t ibang magkaratig na bansa sanhi ng “circulating vaccine-derived poliovirus” (cVDPV).

Nagkaroon ng sigalbo ng poliomyelitis sa mga bansa ng Ukraine, Madagascar, Lao People’s Republic, Myanmar, Nigeria at New Guinea.

Samantala, nagsasagawa na ng suplementaryong imyunisasyon o “supplementary immunization activities” (SIAs) sa mga apektadong bansa upang matigil ang pagkalat ng (cVDPV) lalo na sa mga bansang matagal nang deklaradong “polio free.”

Ang Pilipinas kasama ang ibang kasapi ng Western Pacific Region ay deklarado nang “polio free” mula pa noong taong 2000. Ayon sa World Health Organization (WHO) tanging ang mga bansang Afghanistan at Pakistan na lamang ang nananatiling endemiko sa “wild poliovirus.”

Ang “poliomyelitis” ay isang nakahahawang viral disease sanhi ng tatlong uri ng poliovirus.  Ito ay maaaring magdulot ng permanenteng paralisis lalo na sa mga muscles ng paa. Mga 5-10 porsiyento naman ay maaaring magkaroon ng “acute flaccid paralysis cases” na naaapektuhan naman ang mga muscles sa paghinga kaya’t maaring maging sanhi ng pagkamatay.

Ang Emergency Committee sa ilalim ng International Health Regulations (IHR) ay nagpahayag na ang pagkalat ng polio ay isang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) kaya’t kinakailangang magsagawa ng mga hakbangin upang matigil ang pagkalat nito.

Kaya’t payo ng DOH sa mga nagbabalak pumunta sa mga bansang nagkaroon ng sigalbo ng wild poliovirus: Kinakailangang tumanggap ng oral poliovirus vaccine (OPV) o inactivated poliovirus vaccine (IPV)  apat na lingo hanggang 12 buwan bago magbiyahe; sa mga agarang magbibiyahe at hindi nakatanggap ng OPV o IPV maaari naming tumanggap bago magbiyahe upang kahit papaano ay magkaroon ng pansangga sa nasabing sakit at, kumuha ng Certificate of Vaccination bago magbiyahe bilang katunayan.

Para sa kumpletong listahan ng mga apektadong bansa, maaaring pumunta sa http:// www.who.int/mediacentre/news/statements/2016/8th-IHR-emergency-committee-polio/en.

Sa mga iba pang katanungan, makipag-ugnayan lamang sa Department of Health - Family Health Office sa numerong ito: 651-7800 local 1726-1730. (DOH/RJB/LFB/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments