MAYNILA, Mayo 13, (PIA) - - Pinapurihan ni Department of Education (DepEd) Secretary Br. Armin A. Luistro FSC ang mga guro sa isang kanilang mahusay at episyenteng trabaho noong nakaraang 2016 nasyunal at lokal na halalan.
“ Ginawa ng mga guro ang lahat upang maging maayos at tahimik ang nakaraang halalan.. Kung ikukumpara sa mga nakaraan, ito ang pinakamabilis ang transmisyon ng mga resulta. Muli nilang pinatunayan na sila ay mapagkakatiwalaan habang nanatiling apolitikal,”pagdidiin ni Luisitro sa isang press briefing na ginanap Huwebes, Mayo 12.
Nagpasalamat din siya sa kanilang mga suporta,”Saludo ako at nagpapasalamat sa kaguruan. Sa palagay ko, ito na ang pinaka-matagumpay, malinis at episyenteng eleksyon.”
Kaniya ring iniulat na walang anumang masamang nangyari sa kahit na isang pampublikong guro sa buong bansa na nag “election duty.”
“Ang napakagandang balita ay ang ating command center ay walang naitalang anumang masamang insidente kaugnay ng pagduty ng mga guro noong eleksyon, hanggang sa mga sandaling ito, “ dagdag ni Luistro.
Abot sa 409,392 ang mga DepEd personnel na binubuo ng Board of Election Inspectors (BEIs), Special Board of Election Inspectors (SBEIs), Boards of Canvassers (BOCs), support staff at DepEd supervisors na nagtrabaho nitong nakaraang halalan.
Mga “60% ng 685,000 na empleyado ng DepEd ang nagging bahagi ng halalan na nagsilbing miembro ng BEI, support staff o supervisor,” sabi pa ni Luistro.
Samantala, para sa kanilang pagganap noong nakaraang halalan bibigyan ng Comelec ang mga tauhan ng DepEd na nagsilbi sa nakaraang halalan ng honoraria na P4,500 para sa chairman at miembro ng BEI; P1,500 para sa BEI support staff; P3,000 para sa DepEd supervisors at P1,500 para sa support staff. Ito ay kanilang makukuha pagkatapos ng eleksyon. (DepEd/RJB/LFB/PIA-NCR)
0 Comments