LUNGSOD QUEZON, Hulyo 29 (PIA)--Umani ng sari-saring reaksyon sa mga mamamayan sa ang naging laman sa pangalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
May nagsabing kontento sila at meron namang nagsabing hindi sila kontento dahil may kulang, pero pasado naman sa kanila ang performance sa isang taong panunungkulan ni Pangulo.
Ayon kay Rodrigo Daracan, taxi driver mula sa Lungsod ng Caloocan, ikinagalak niya na nabanggit ni Pangulong Duterte ang tungkol sa malalang traffic sa Metro Manila sa kanyang SONA.
“Bilang isang taxi driver, pangunahin problema ko yun traffic,” ani Daracan, “Kapos ang kinikita ko kahit 24 oras akong magmaneho dahil sa tindi ng traffic.”
Sa kanyag SONA, inatasan ng Pangulo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang mga sagabal sa kalsada lalo na ang mga “illegally parked vehicles”.
Ayon kay Daracan, bagama’t iyon lamang ang natandaan niya na sinabing solusyon ng Pangulo tungkol sa problema ng tapiko sa Metro Manila ay natutuwa na siya.
“Simpleng solusyon, pero kung maipatutupad ito, malaking tulong ito marahil para lumuwag ang mga kalsada natin,” pahayag ni Daracan.
“Gusto ko ang style ni Duterte sa pagtugon sa mga suliranin ng bansa, praktikal siya at mabilis, wala ng masyadong kuskos balungos,” dagdag ni Daracan.
Nagustuhan din umano niya ang matapang na paninindigan ng Pangulo laban sa droga.
“Sa lahat ng naging Presidente natin, si Duterte lang ang nagkaroon ng matibay na paninindigan na labanan giyera kontra iligal na droga dito sa ating bansa,” ani Daracan.
“Kung di pa natin siya nagging president, di pa natin malalaman na ganito na kalala ang problema ng ating bansa sa illegal drugs,” dagdag pa ni Daracan.
“Sana lang magkaroon pa ang Pangulo maayos na kalusugan para makaya niyang maresolba ang mga problema sa bansa, matanda na rin kasi siya at di biro ang mga problema at isyu ng bansa na nangangailangan ng solusyon,” ani Daracan. (PIA-NCR/RJB/SDL)

0 Comments