MAYNILA, Peb. 5 (PIA) -- Binigyang diin ng Philippine General Hospital Dengue Investigative Task Force (PGHDITF) na ginagawa ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health o DOH ang lahat ng makakaya upang malabanan ang banta ng nakamamatay na dengue.
Ginawa ang pahayag sa press conference noong nakaraang Biyernes (Pebrero 2, 2018) kaugnay ng pag-uulat tungkol sa resulta ng imbestigasyon sa 14 na mga batang namatay dahil umano naturukan ng Dengvaxia.
Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Rolando Enrique Dominguez, binuo ng DOH ang Task Force upang magsagawa ng mataas na antas na pag-aaral para mabigyang linaw ang mga isyung bumabalot sa Dengvaxia, ang bakunang naibigay sa higit 830,000 na mga bata noong Marso 2016 hanggang Oktubre 2017.
“Ang pagsisiyasat ay sinimulan noong Disyembre 2017, sa ilalim ng pamamahala ng bagong liderato ng DOH dahil sa patuloy na pagkalito at pangamba ng mga magulang ng mga batang nabakunahan,” pahayag ni Enriquez.
“Sa pamamagitan ng isang matapat at objektibong pag-uulat ng ebidensya at siyensya ito ay maaring mabigyan ng solusyon at mapakalma ang publiko,” dagdag ni Enriquez.
Ang Task Force na binubuo ng 10 magagaling na doktor na may kani-kaniyang espesyalidad. Sila ay gumamit ng “World Health Organization Algorithm for Causality Assessment of Adverse Events following Immnunization”, isang pamantayan upang matukoy kung ang mga pangyayari ay dulot ng pagbabakuna.
Lumabas sa kanilang pag-aaral ang mga sumusunod: tatlo (3) sa labing apat (14) na kaso ng pagkamatay ay walang kinalaman sa Dengvaxia. Nagkataon lang na ang nabakunahan ay nagkaroon ng ibang malubhang sakit na hindi dulot ng bakuna;
Dalawang (2) kaso ay hindi matiyak dahil kulang ang impormasyon;
Anim (6) na kaso ng mga batang namatay sa ibang sakit ngunit nagkasakit at namatay sa loob ng tatlumpong (30) araw matapos maturukan. Walang tiyak na ebidensiya na ang kanilang pagkamatay ay konektado sa Dengvaxia, tatlong (3) kaso ang nakitaan ng causal association. Sila ay namatay sa Dengue kahit sila ay nabigyan ng Dengvaxia – dalawa sa kanila ay maaring dulot ng vaccine failure. Pagdidiin ng PGH DITF, kailangan pa ang karagdagang pagsusuri ng tissue samples upang makumpleto ang imbestigasyon.
Pinagtibay ng ginawang pagsusuri ang desisyon ng departamento na ipatigil ang Dengue Immunization Program dahil, sa ilalim ng isang mass immunization program, kailangan munang suriin kung nagkaroon na ba ng dengue o may iba pang sakit ang bata bago ito bigyan ng bakuna.
Samantala, ang report ng PGH DITF kasama ng mga report ng National Expert Panel ay isusumite ng DOH sa Department of Justice upang makatulong sa kanilang patuloy na imbestigasyon at nang matukoy ang mga may pananagutan kung sila nga ay may paglabag sa batas.
Nagbigay katiyakan ang DOH nang patuloy na karampatang atensyon at pag-aaruga sa mga batang nabakunahan. Kanilang gagawin ang lahat makakaya upang mabantayan ang mga bata at mabigyan agad ng pangangalaga kung kinakailangan ng gamutan.
Anila pa, lahat ng gastusin dulot ng pagkakaospital ng batang nabakunahan ay sasagutin ng PhilHealth at DOH, mangyari lamang na ipakita ang immunization card ng bata. Kung sakaling nawala ang ID, maaaring humingi sa school para sila ang magsabi sa DOH.
Magbibigay rin ng mga dengue prevention kits sa mga estudyante at iba pang batang nabakunahan upang matulungan silang mapasigla ang katawan at maiwasan ang kagat ng lamok na may dalang dengue.
Pagtitibayin naman ng DOH ang mga proseso at sistema ng ahensya upang mapagbuti ang programa sa bakuna at hindi na maulit ang mga kakulangan na nakita sa paggamit ng isang bagong bakuna katulad ng Dengvaxia.
Para sa impormasyon ng lahat, patuloy na ipatutupad ng DOH at mas paiigtingin pa ang mga programang tumutugon sa isyu ng dengue. Papalawigin ng DOH ang pagbabantay sa mga bata na naumpisahan kasama ng Department of Education at lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “inter-agency collaboration” na naglalayong makipagtulungan sa ibang mga ahensya ng pamahalaan at mga pribadong ahensya tulad ng Red Cross.
Nananawagan din ang DOH sa mga guro at magulang na patuloy na makipagtulungan upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata at maiwasan na sila ay magkaroon ng dengue o iba pa mang sakit.
Karagdagang panawagan sa mga eksperto sa dengue at mga concerned citizens na magbigay tulong sa paglinaw at pagkalat ng tamang impormasyon tungkol sa dengue upang maibsan ang labis na pangambang maaring dulot ng mali o kulang na impormasyon.
Pagdidiin ng DOH, ang dengue ay isang sakit na bahagi ng buhay nating mga Pilipino dahil sa mga lamok na nagdadala ng dengue virus. Taun-taon ay mayroong 200,000 na kaso ng dengue na naitatala ang DOH. Bagama’t mas mababa pa sa 1% ang namamatay dito, batid ng DOH ang pangambang dulot nito sa lahat. Nakikiusap ang DOH na magkaisa ang lahat upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata laban sa dengue, nabakunahan man o hindi. (DOH/PIA-NCR/LFB)
0 Comments