Philippine Information Agency NCR

Tagalog News: PNP-HPG tutulong sa operasyon kontra kolorum

Nilagdaan nina DOTr Secretary Arthur Tugade (gitna) at DILG Secretary Eduardo Año ang kasunduan hinggil sa pagtatalaga ng may 300 PNP HPG personnel bilang "enforcement arm" sa pinaigting na operasyon kontra kolorum. Kasama din sa paglagda sina Police Director General Oscar Albayalde, Chief, PNP; MMDA Chair Danilo Lim; at Mr. Mark Richmund M. De Leon, Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure. (Larawan mula sa DOTr)
LUNGSOD QUEZON, Marso 20 (PIA)--Inaasahan ang mas pinalawak at mas pinaigting na operasyon kontra kolorum at iba pang paglabag sa batas-trapiko matapos pormal na italaga ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) bilang "enforcement arm" ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ay matapos lagdaan ng DOTr at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang kasunduan sa isang seremonya sa Camp Crame sa Quezon City oong ika-11 ng Marso 2019.
Sa ilalim ng kasunduang nilagdaan nina DOTr Secretary Arthur Tugade at DILG Secretary Eduardo Año, magtatalaga ang PNP-HPG ng 300 uniformed personnel na tutulong sa mga operasyon ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) sa National Capital Region (NCR) at iba pang karatig-rehiyon.
Sa signing ceremony, nagpasalamat si Tugade hindi lang para sa mga tumulong at naging bahagi ng naturang inisyatibo, kundi maging sa ambag ng buong kapulisan sa bayan.
"Ang PNP at ang ating mga uniformed personnel ay malaking bagay upang mag-inculcate ng disiplina sa ating bayan. Kung walang disiplina at peace and order, walang progreso, walang development," ani Tugade.
Kabilang sa mga dumalong opisyal sa signing ceremony sina PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, DILG Usec. for Peace and Order Bernardo Florece Jr., DOTr Usec. for Road Transport and Infrastructure Mark De Leon, DOTr Chief of Staff and OIC Usec. for Administrative Service Artemio Tuazon Jr., Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Elson Hermogino, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, DOTr Asec. for Mindanao Projects Eymard Eje, DOTr Asec. for Special Concerns Manny Gonzales, HPG Chief Roberto Fajardo, dating HPG Chief at ngayo’y LTFRB Board Member Antonio Gardiola, at iba pang mga opisyal.
Ang nilagdaang kasunduan ay bahagi ng pagsunod ng DOTr sa ibinabang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na malawakang crackdown sa mga kolorum na sasakyan. (PIA InfoComm)

Post a Comment

3 Comments