Philippine Information Agency NCR

Tagalog news: DOTr, nagbabala sa publiko kontra 'In My Feelings Challenge'

QUEZON CITY, Agosto 2 (PIA) – Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) sa publiko ukol sa kasalukuyang facebook viral na “In My Feelings Challenge”.   
Sa isang abiso, nagpaalala ang DOTr sa publiko na huwag gawin ang naturang challenge lalo na kung nasa mga kalsada.
“Hindi man po namin mapipigilan ang lahat sa kanilang “expression of feelings”, tandaan na bawal po itong gawin sa mga kalsada, lalung-lalo na kung umaandar ang sasakyan,” pahayag ng DOTr.
Ayon sa DOTr, ang sinumang magsasagawa ng “challenge” sa pampublikong lansangan ay maaaring hulihin ng Land Transportation Office (LTO) at iba pang law enforcement agencies.
Dagdag ng DOTr na ang pagsasagawa na nasabing challenge ay maituturing na isang uri ng reckless driving at posibleng ma-revoke ang kanilang mga driver’s license kapag sila'y nahuli.
Mahigpit ding pinapaalalahanan ang publiko na ang paggamit ng cellphone o ano pang video device habang nagmamaneho ay isang paglabag sa sa Republic Act 10913 o Anti-Distracted Driving Act (ADDA) kung saan ay may karampatang multa ito na PhP5,000 hanggang PhP15,000.
Ang kantang “In My Feelings” ay pinasikat ni Grammy-Award winning Canadian rapper, singer na si Aubrey “Drake” Graham o mas kilala sa pangalang “Drake”. (DOTr/SDL/JEG/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments