
PASAY CITY, Enero 24 (PIA)--Tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ang hamong maging “Tatay ng TODA” sa kangyang pagdalo sa 3rd Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) Summit na ginanap sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sinabi ng Pangulo na handa siyang makinig sa mga hinaing ng grupo para mabigyang pansin ng pamahalaan lalo't mahigit isang dekada na ang nakalipas mula ng huling ganapin ang summit noong 2008.
“We are here to serve. I cannot entertain or hear you all out in one seating, so I would be very glad if you can communicate with your leaders, and I will accommodate,” pahayag ng Pangulo.

Kabilang sa mga dumalo sa TODA Summit 2019 na pinangunahang isagawa ng Depatment of Transportation (DOTr) at Department of the Interior & Local Government (DILG)sina DILG Secretary Eduardo Año, DSWD Rolando Bautista, DOE Secretary Alfonso Cusi, DOTr Usec. Mark Richmund De Leon, LTFRB Chairman Martin Delgra III at iba pang mga opisyal at kinatawan PAGCOR, PAGIBIG, SSS at Philhealth.
Tampok sa programa pagpa-raffle ni Pangulong Duterte at ni DOE Secretary Alfonso Cusi ng sampung e-trikes sa mga miyembro ng TODA , bukod pa mga e-trikes na ipinagkaloob ng DOE para sa lungsod ng Mandaluyong na tinanggap ni Mayor Carmelita Abalos.

Kabilang sa programa ang pagkakaloob ng sertipiko sa may dalawandaang benepisyaryo ng samu't saring tulong mula sa mga kalahok na ahensya na inaasahang magbibigay suporta sa tricycle drivers at operators, gaya ng mga seminar sa road rules at safety mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA), skills at preparatory trainings, at scholarship programs mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Nagpakita rin ng suporta ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng sustainable livelihood program, at ang Commission on Higher Education (CHED) na magbibigay ng tulong naman sa mga anak ng miyembro ng TODA para makakakuha ng libreng tuition, miscellaneous fees at tulong sa aplikasyon para sa Tertiary Education Subsidy sa mga pampublikong unibersidad.
Ang Land Transportation Office (LTO), Social Security System (SSS), Pag-IBIG, at PhilHealth ay nagtaguyod ng isang One-Stop Shop para sa mga serbisyo nito, kasama ang pag-renew ng mga lisensya, pagpaparehistro ng mga sasakyan, financial programs, at membership applications. (PIA-NCR)
0 Comments