Philippine Information Agency NCR

Tagalog News: Responsableng pag aalaga ng mga hayop, tuon sa Rabies Awareness Month

LUNGSOD QUEZON, Marso 7 (PIA)--“Makiisa sa barangayan kontra rabies, maging responsableng pet owners!”
Ito ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Health (DOH) sa publiko sa pagdiriwang ng Rabies Awareness Month ngayon buwan ng Marso.
Ayon sa DOH, itinuturing ang rabies na isang “public health problem” dahil maraming Filipino ang namamatay dahil dito.
Ayon sa talaan ng World Heralth Organization (WHO), aabot sa 200 Filipino ang namamatay dahil sa rabies transmisyon kada taon, at 99 na porsiyento nito ay mula sa mga aso.
Ayon pa sa DOH, maaari naman itong mapigilan kung magiging responsable ang mga pet owner sa pamamagitan ng pagpapabakuna sa mga alaga nilang mga hayop.
Ang rabies ay isang deadly virus na napapasa sa iba sa pamamagitan ng laway ng infected na hayop.  Ito ay kadalasang nakukuha buhat sa kagat ng domesticated o wild animals.
Kabilang sa mga sintomas ng rabies infection ay ang lagnat o pananakit ng ulo, pananakit o pamamanhid ng bahagi ng katawan na kinagat ng hayop, at deliryo at pagkaparalisa.
Sintomas din ng rabies infection ang pamumulikat ng mga kalamnan, gayundin ang "pagkatakot" sa hangin at tubig.
Dagdag pa ng DOH, mahalaga ang first aid o paunang lunas kapag nakalmot o nakagat ng hayop na maaring may rabies. Dapat hugasan ang sugat gamit ang sabon at dumadaloy na tubig
Mahalaga ring magpabakuna kaagad sa doktor, at kinakailangang maobserbahan ang hayop.
Kung hindi alagang hayop ang nakakagat o nakakalmot, mahalagang maipahuli ito upang maobserbahan.
Paalala rin ng DOH sa mga may alagang hayop na pabakunahan ang mga ito mula sa ikatlong buwan mula kapanganakan at taon taon pagkatapos nito.
Huwag rin umanong hayaang gumala ang mga alagang hayop sa kalsada at alagaang mabuti ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapaligo, pagbibigay ng malinis na pagkain, at maayos na matutulugan.
Sa taong kasalukuyan, katuwang din ang Department of Agriculture (DA) kasama ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa iba’t ibang aktibidad kaugnay ng kampanya laban sa rabies. (InfoComm)

Post a Comment

0 Comments