LUNGSOD TAGUIG, Mayo 6 (PIA) -- Magandang balita para sa mga taga Lungsod Taguig! Binuksan na ang Taguig City Dialysis Center kamakailan na matatagpuan sa 3/F ng Center for the Elderly sa Ipil-Ipil St., Brgy. North Signal.
Pinasinayaan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pagbubukas ng dialysis center noong nakaraang Abril 30, 2019.

Ang naturang dialysis center ay bukas Lunes hanggang Sabado, mula 6:00AM hanggang 10:00PM.
Libre ang dialysis process sa bawat pasyente gayundin ang dialyzer at erythropoietin. May libre ding laboratory services din ang mga pasyenteng mangangailangan.
Para sa screening process, maaaring magpunta sa center tuwing Lunes, Martes at Miyerkules, mula 8:00 AM hanggang 12:00 ng tanghali at dalhin lamang ang mga sumusunod: Medical abstract o history; Pinakahuling hepatitis profile - HBsAg, Anti HCV, AntiHBs (nakuha sa nakaraang tatlong buwan); Pinakahuling complete blood count (CBC) (nakuha sa nakaraang buwan); Pinakahuling resulta ng Creatinine, K, CA, Phosphorus, Albumin (nakuha sa nakaraang buwan).
Para sa mga pasyente ng nangangailangan ng mga nabanggit na laboratory tests, bibigyan sila ng referral para sa libreng eksaminasyon.
Gayundin, kailangang dalhin ang mga sumusunod: Pinakabagong chest X-ray (nakuha sa nakaraang taon); Kopya ng treatment monitoring sheet/record (huling tatlong treatment) mula sa huling dialysis center; Voter's registration/certificate; kung menor de edad ang pasyente, dalhin ang voter's registration/certificate ng magulang; PhilHealth ID, kung mayroon; at Taguig City CSWD social case study report, kung mayroon.
Para sa katanungan, maaaring tumawag sa 0927-377-9168. (PIA InfoComm)

0 Comments