Philippine Information Agency NCR

Tagalog News: Public Safety Office ng MMDA tututok sa disaster & emergency response

Michael Salalima, itinalagang pinuno ng Metropolitan Public Safety Office (MPSO). Siya rin ang Chief of Staff sa Office of the General Manager at Focal Person sa Disaster Risk Reduction and Management. (FILE PHOTO)
MAKATI, Hulyo 16 (PIA-- Bumuo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng bagong interim office para tutukan at paigtingin ang disaster and emergency response efforts ng ahensya sa Metro Manila.
Binuo ni MMDA Chairman Danilo Lim ang Metropolitan Public Safety Office (MPSO) na pag-iisahin ang lahat ng unit ng ahensya na may kahalintulad na gawain sa disaster preparedness at emergency response.
“Alinsunod ito sa mandato ng ahensya na pagbibigay seguridad sa publiko. Kabilang ang pagbuo at pagpapatupad ng mga programa at polisiya para sa kaligtasan ng publiko, partikular ang paghahanda sa preventive o rescue operation tuwing may kalamidad gaya ng lindol at baha,” saads ni Lim sa isang office order.
Tungkulin din ng MPSO na makipag-ugnayan at magmobilisa ng mga kagamitan at magpatupad ng mga contingency plans para sa rehabilitation at relief operations katuwang ng iba pang ahensya ng gobyerno.
Pangungunahan ni Michael Salalima ang MPSO. Siya rin ang Chief of Staff sa Office of the General Manager at Focal Person sa Disaster Risk Reduction and Management. Kasama sa MPSO ang mga hepe at tauhan ng mga sumusunod na yunit:
• Public Safety Division
• Road Emergency Group
• Metro Manila Emergency Volunteer Corps
• Metro Manila Crisis Monitoring & Management Center
• Rescue Battalion Headquarters & Disaster Preparedness Training Center
“Mas lilinaw at bibilis ang trabaho at layunin ng bawat opisina at mababawasan ang kalituhan sa kung sino ang dapat gumawa ng isang trabaho,” pahayag ni Lim.
Tungkulin din ng grupo na bumuo ng sectionalized disaster and emergency response units – Central, North, South, East and West sectors – na dapat ay mabilis na makakaresponde sa mga emergency at kalamidad na nakakaapekto sa Kamaynilaan.
Kasama rin sa kanilang trabaho ang pamamahagi ng napapanahong impormasyon patungkol sa mga mino-monitor na kalamidad at emergencies sa mga opisyal, rumeresponde, stakeholders, at publiko; pagbibigay ng disaster preparedness trainings sa komunidad para mapataas ang kanilang kamalayan at magamit ito sa oras na kailanganin.
Kapag may aksidente naman sa daan, inatasan din ang grupo para rumesponde at i-report ito, tiyaking tuloy ang daloy ng trapiko sa mga pangunahin lansangan sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga nakahambalang sa daan. (PIA InfoComm/MMDA)

Post a Comment

0 Comments