LUNGSOD QUEZON, Enero 2 (PIA) – Lumitaw sa pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources na naging mas marumi ang hangin sa ilang area ng Metro Manila dahil sa paputok nitong pagsalubong sa Bagong Taon.
Lumabas sa isinagawang air quality monitoring ng Environment Management Bureau (EMB) na may ilang lugar sa Metro Manila na naging mapanganib ang hangin para sa publiko sanhi ng mga ginamit na paputok.
Ayon sa pagsusuri ng EMB sa air particulate matter (PM10) na natagpuan sa hangin mula 12 midnight hanggang matapos ang putukan bandang alas-2 ng madaling araw nitong Enero 1, lumitaw na lubhang “hazardous” ang hangin sa bahagi ng Mandaluyong City Station na nagtala ng 497 PM10 sa kanilang mga instumento. Ang PM10 ang naglalarawan ng nalalanghap na particulate matter sa hangin na may karaniwang sukat na 10 micrometer o mas maliit pa.
Samantala, ang Taguig City Station naman ay nagtala ng 355 PM10 o “very unhealthy” at Caloocan City North Station ay nakakuha ng 332 PM10 o "very unhealthy" din.
Nakitaan naman ng mas maliliit na particulate matter sa hangin, o tinatawag na PM2.5, sa bahagi ng Pateros Station, 399; Las Piñas City Station, 376; at Pasig City Station, 367.
Paliwanang ni DENR Usec. Benny Antiportda, ang PM2.5 ay higit na maliliit na particulate matter at hindi nasasala ng ilong kung kaya’t dumidiretso na ito sa baga ng sinumang nakalalanghap nito.
Ani Antiporda, bagaman bumagsak na ang usok sa lupa, oras na dumaan ang mga sasakyan ay hahanginin ulit ang mga particulate matter na ito kaya’t payo naman niya sa publiko, lalo na sa mga may hika ay maglagay ng facemask hanggang ngayong araw o kaya ay maglinis na ng bahay o magdilig ng bakuran upang tuluyan nang mawala sa hangin ang mga maliliit na alikabok. (PIA NCR)

0 Comments