Philippine Information Agency NCR

Marikina City magtatayo ng laboratory testing center para sa COVID-19

PASIG CITY, March 15 (PIA) -- Isang laboratory testing center para sa early detection ng coronavirus disease (COVID-19) ang itatayo sa Lungsod Marikina.
Ito ang inanunsyo ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro nitong Biyernes sa pakikipag tulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa Manila Health Tek, Inc.
“Ito ay agad para agad-agad ma-test natin ang persons under monitoring o PUMs. This will liberate a person after ma-test nito. Ito ang ganda nito, hindi na siya mag-aaalala pa,” wika ni Mayor Marcy.
Ayon pa kay Mayor Marcy, ang mga doktor mula sa City Health Office (CHO) ay sasanayin ng mga scientist at doktor ng Manila Health Tek, Inc.
Dagdag pa ni Mayor Marcy, makatutulong ito sa pagtatayo ng molecular laboratories sa lungsod.
Samantala, ayon kay Maria Carmen Ocampo, Sales and Marketing manager ng Manila Health Tek, ang kanilang tanggapan ay matatagpuan sa Brgy. Sta. Elena, Marikina kaya mas madali para sa kanila na mapuntahan.
Paalala naman ni Mayor Marcy, sakaling makaranas ng mga sintomas ng COVID-19, tumawag agad sa Marikina Rescue 161. Ang pasyente ay susunduin ng ambulansya at dadalhin sa City Health Office. Ang mga sinanay na doktor at kawani ay makikipag-ugnayan sa testing center na magsasagawa naman ng testing.
Ang resulta ay maaaring makuha sa loob lamang ng dalawang oras, ayon pa sa pamahalaang lungsod. (Marikina City/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments