LUNGSOD CALOOCAN, Set. 7 (PIA) -- May karagdagang 10 ruta ng traditional jeepeneys sa Metro Manila ang pinayagang magbukas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) simula Miyerkules, Setyembre 9, 2020.
Ayon sa ahensiya, may kabuuang bilang na 1,006 authorized jeepney units ang pinayagan din makabiyahe sa mga bubuksang ruta sa Kalakhang Maynila.
Base sa Memorandum Circular 2020-043, ang mga karagdagang rutang magbubukas simula Miyerkules ay ang mga sumusunod:
T138 EDSA/North Ave. - Quezon City Hall
T139 Marcos Ave. - Quirino Highway via Tandang Sora
T340 Dapitan - Libertad via L. Guinto
T341 Divisoria - Retiro via JA Santos
T342 Divisoria - Sangandaan
T395 Libertad - Washington
T396 Baclaran - Escolta via Jones, L. Guinto
T397 Baclaran - QI via Mabini
T398 Blumentritt - Libertad via Quiapo, Guinto
T399 Blumentritt - Vito Cruz via L. Guinto
Ayon pa sa LTFRB, maaaring mag-operate ang mga roadworthy traditional PUJs na mayroong valid Personal Passenger Insurance Policy sa mga rutang ito ng walang SPECIAL PERMIT. Kapalit ng special permit ay ang QR Code na ibibigay sa bawat operator bago pumasada. Ang QR Code ay dapat naka-print sa short bond paper at naka-display sa PUJ unit. Maaari itong i-download QR Code mula sa website ng LTFRB www.ltfrb.gov.ph simula bukas ng hapon, 08 Setyembre 2020.
Pinapaalala naman ng ahensya na walang taas-pasahe na ipapatupad maliban na lang kung opisyal na ilahad at aprubahan ng LTFRB.
Kabilang din sa mga requirements para mag-operate ang Traditional PUJs ay ang pagsunod sa safety measures alinsunod sa mga alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng pagsuri sa body temperature, pagsusuot ng face mask/shield at gloves sa lahat ng oras, at ang mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing sa loob ng mga sasakyan. (LTFRB/PIA-NCR)

0 Comments