LUNGSOD PASIG, Hunyo 13 (PIA) -- Nanawagan si Pasig City Mayor Vico Sotto sa publiko na magkaisa laban sa COVID-19.
Pinangunahan ni Mayor Sotto ang pagdiriwang ng ika-123 Araw ng Kalayaan na ginanap sa Plaza Rizal sa lungsod nitong Sabado ng umaga.
“One hundred twenty-three years ago o higit pa, ipinakita ng ating mga bayani mula kay Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, at lahat pa ng iba nating bayani ang katapangan, kagitingan.”
Ayon kay Mayor Sotto mahalaga ang pagkakaisa batay na rin sa tema ng pagdirwang sa taong ito, Kalayaan 2021: “Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan.”
“Pero ngayon po panahon ng pandemya, malinaw naman na meron tayong nag-iisang kalaban, kalaban ng lahat, itong virus na COVID-19.”
Aniya, ito’y magandang pagkakataon para maipakita na ang mga Pilipino ay kayang magkaisa.
“Sa laban natin kontra COVID-19 kung saan nag step-up po ang ating mga bagong bayani, nangunguna po diyan yung mga medical frontliners po natin. Napakita natin dito sa Pasig at sa buong Pilipinas na puwede tayong magkaisa.”
Nanawagan din ang punong lungsod na isantabi muna ang usaping politika bagkus ay magkaisa sa laban natin kontra COVID-19. (PIA NCR)

0 Comments