Philippine Information Agency NCR

Tupad contract tracing project, inilunsad sa Malabon


ni: NONETTE N. CASTILLO

LUNGSOD CALOOCAN, Hunyo 17 (PIA) -- Inilunsad na ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Contact Tracing Project.

Ang naturang proyekto ay sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DOLE) at pakikipag-tulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Higit 152 Malabonians ang natanggap sa TUPAD Project na siyang magsisilbing contact tracers ngayong panahon ng pandemya. 

Sila ay maaatasang gumawa ng profilling, initial health risk assessment, identification at referral ng close contacts, daily monitoring, at iba pang gawain na kailangan sa COVID-19 response.

Pinangunahan naman ni Mayor Lenlen Oreta at Kaasenso Enzo Oreta ang pagbubukas ng TUPAD Contact Tracing Project.

"Malaki ang gampanin ng wastong contact tracing sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19 sa Malabon. Tayo ay nagpapasalamat sa DOLE, lalo na sa ating big brother na si Secretary Bello para sa inisyatibong gawing contact tracers ang mga benepisyaryo ng TUPAD program para makatulong sa laban natin kontra COVID-19," ayon kay Mayor Lenlen Oreta.

"Bukod sa pagpapabuti ng ating contact tracing efforts, matutulungan din ng TUPAD Project ang mga Malaboniang lubos na naapektuhan ng pandemya lalo na ang mga nawalan ng hanapbuhay at negosyo," dagdag naman ni Kaasenso Enzo Oreta.

Tatagal ang DOLE-TUPAD contact tracer program ng 90 araw at makatatanggap naman ang mga contact tracer ng P537.00 o minimum wage. (PIA NCR) 

Post a Comment

0 Comments