Philippine Information Agency NCR

Dagdag na 54 PUJ, 11 shuttle service vehicles, pinayagang makabiyahe ng LTFRB sa NCR


 Ni SUSAN G. DE LEON

LUNGSOD CALOOCAN (PIA) -- Pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbiyahe ng dagdag na 11 Shuttle Service Vehicles sa Metro Manila at 54 na Traditional Public Utility Jeepneys (TPUJ) sa intra-regional routes sa bansa.

Ayon sa LTFRB, maaaring bumiyahe ang mga roadworthy Shuttle Services na tumutupad sa mga sumusunod na kundisyon na nakasaad sa Memorandum Circular 2020-039:

1. May Valid Contract of Lease ang Shuttle Service provider at pribadong kumpanya o govertment agency na kumukuha sa serbisyo ng Shuttle Service para sa mga empleyado sa loob ng, at hindi lalagpas ng, ika-31 ng Disyembre 2021. Dapat laging nakahanda ang Valid Contract of Lease sa lahat ng oras, lalo na kapag kailangan sa on-road operations ng Shuttle Service. KAILANGANG NAKASAAD SA VALID CONTRACT OF LEASE NA PARA SA PAGBIYAHE NG MGA EMPLEYADO ANG OPERASYON NG SHUTTLE SERVICE.

2. Kailangang naka-register ang sasakyan at may valid comprehensive passenger insurance policy

3. Ang sasakyan na tukoy sa Contract of Lease ay dapat may marka o logo ng kumpanyang umuupa sa naturang sasakyan.

4. Gagamitin lamang ang sasakyan na inupa ng kumpanya bilang Shuttle Service para sa mga empleyado

Maaari namang pumasada ang mga roadworthy PUJs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at kinakailangang nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang binuksan ng LTFRB.

Dagdag pa riyan, istriktong ipatutupad ang mga sumusunod na “7 Commandments” sa lahat ng pampublikong transportasyon, na ayon sa rekomendasyon ng mga health experts:

1) Laging magsuot ng face mask at face shield;

2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono;

3) Bawal kumain;

4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV;

5) Laging magsagawa ng disinfection;

6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at

7) Laging sundan ang panuntunan sa physical distancing (“one-seat apart” rule).

Paalala rin ng LTFRB sa mga operator at driver ng TPUJ na sundin ang mga patakaran ng ahensya.

 Ang sinumang mahuli na lumabag sa mga alituntunin ng LTFRB ay papatawan ng kaukulang parusa, tulad ng pagmumulta at pagkatanggal ng kanilang ng CPC o PA.

Para naman sa mga Shuttle Service provider na hindi susunod sa mga nabanggit na alituntunin para sa mga Shuttle Service ay maaaring makonsidera na colorum at maaari ring bigyan ng kaukulang multa at parusa. (LTFRB/PIA-NCR)


Post a Comment

0 Comments