LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Mananatili ang libreng sakay sa MRT-3 para sa mga bakunadong APOR o authorized persons outside residence, dahil sa pagpapatuloy ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila simula ngayong araw, ika-8 ng Setyembre, hanggang ika-15 ng Setyembre 2021.
Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), patuloy na makatatanggap ng libreng pamasahe ang mga APOR na nabakunahan na ng isa o dalawang doses ng COVID-19 vaccine mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi hanggang sa nasabing petsa.
Upang makatanggap ng libreng sakay, kinakailangang ipakita ng mga APOR ang kanilang vaccination card sa security personnel sa mga istasyon, kasama ang alinman sa sumusunod na ID upang mapatunayang sila ay APOR:
- Certificate of Employment (COE) at isang valid o government-issued ID;
- Professional Regulation Commission (PRC) ID; o Company ID.
Tanging mga APOR lamang ang pinahihintulutang makasakay ng MRT-3 sa ilalim ng MECQ.
Ang libreng sakay sa MRT-3 ay sa direktiba ni DOTr Secretary Art Tugade upang hikayatin ang mga pasahero na magpabakuna at matulungan ang mga ito sa pagbiyahe sa panahon ng pandemya.
Samantala, tuloy-tuloy ang pagpapasakay ng rail line sa 30% passenger capacity, na may katumbas na 124 na pasahero kada train car o 372 na pasahero kada train set.
Mahigpit din ang pagpapatupad ng mga health and safety protocols sa buong linya, kabilang ang "7 Commandments" kontra COVID-19. (DOTr/PIA-NCR)

0 Comments