Philippine Information Agency NCR

Resbakuna sa Jollibee, inilunsad sa Pateros


ni: JIMMYLEY E. GUZMAN 

LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Inilunsad kamakailan lang ang ‘Resbakuna sa Jollibee’ sa bayan ng Pateros, kaisa ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD).

Ayon sa Jollibee Pateros franchise owner na si Ms. Maureen Ferrer, isang karangalan para sa kanila ang maging bahagi ng progreso ng munisipalidad ng Pateros. Inanunsyo rin nito na kanilang tatanggapin sa pagbabakuna kahit hindi residente sa lungsod.

Nagpasalamat naman si Pateros Mayor Miguel "Ike" Ponce III sa pagpayag ng Jollibee na maging bahagi sa programa ng bayan sa pagbabakuna laban sa COVID-19.

Dagdag pa ni Mayor Ponce, mayroon na namang bagong variant ng COVID-19 na tinatawag na Deltracron, at bagaman hindi pa ito nakakapasok ng bansa ay kailangang matiyak na mayroong proteksyon laban sa COVID-19 ang bawat mamamayang Pilipino.

Samantala, iginiit naman ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa na hindi dapat magpakampante ang publiko sa kabila ng pagluluwag ng COVID-19 restrictions sa Metro Manila lalo na’t may binabantayang bagong variant.

Kaya naman hinihikayat nito ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 pati na mga bata upang magkaroon ng proteksyon sa kanilang pagpasok sa face-to-face classes.

Binigyang linaw din ni Director Balboa na mahalaga na matanggap ang booster dose dahil bumababa rin ang immunity ng isang indibidwal na nakatanggap ng dalawang dose ng bakuna kontra COVID-19 sa pagsapit ng tatlong buwan o higit pa. (DOH-MMCHD/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments