Philippine Information Agency NCR

Gen-4 trains ng LRT-1, umarangkada na

 

Photos courtesy of LRMC

by: Jimmyley E. Guzman 

LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Magandang balita! Umarangkada na ngayong araw, Hulyo 20 ang 4th Generation trains ng LRT-1.

Ito’y matapos pormal na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang inagurasyon ng mga bagong tren sa LRT-1 Depot nitong Miyerkules, Hulyo 19 na sinundan naman ng inaugural train ride mula LRT-1 Depot hanggang LRT-1 Central Station.

Sa naging talumpati ng Pangulo, siniguro niya na patuloy ang administrasyon sa mga proyekto sa pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mas maraming Pilipino.

Kinilala rin ni Pang. Marcos, Jr. ang Department of Transportation, Light Rail Transit Authority (LRTA), Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa kanilang pakikiisa sa paghatid ng mas ligtas, maasahan, at episyenteng serbisyong trasportasyon.

Pinasalamatan ng Pangulo ang Japan International Cooperation Agency (JICA), Mitsubishi Corporation, at Construcciones y Auxiliar de Ferrocarriles sa kanilang pakikiisa sa Capacity Enhancement of Mass Transit Systems in Metro Manila Project ng pamahalaan.

Kasama ni Pang. Marcos, Jr. sa ginanap na inagurasyon sina Transportation Secretary Jaime J. Bautista; Metro Pacific Investments Corporation Chairman Manuel V. Pangilinan; LRMC President and CEO Juan F. Alfonso; JICA Chief Representative Sakamoto Takema; Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa; LRTA Administrator Hernando T. Cabrera; Sumitomo Corporation President Seiji Takano; Ayala Corporation Business Development Head Jaime Alfonso Zobel de Ayala; AC Infrastructure COO Noel Kintanar; Senator JV Ejercito; Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan; Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano; Paranaque Mayor Eric Olivarez; Las Pinas Vice Mayor April Aguilar; Bacoor City Administrator Atty. Aimee Torrefranca-Neri; AGIMAT Partylist Congressman Bryan B. Revilla; at iba pang mga opisyal at kawani ng gobyerno at pribadong sektor.

Samantala, inaasahang bawat linggo, may isang bagong train set ang madaragdag upang makapagsilbi sa mga pasahero.  

Ang LRT-1 ay may biyahe mula Baclaran Station hanggang sa Roosevelt Station, at balikan. (LRMC/PIA-NCR)




Post a Comment

0 Comments