by: Gelaine Gutierrez
QUEZON CITY (PIA) — Mahigit 49 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ang nagpakita ng tunay na diwa ng bayanihan sa National Resource Operations Center (NROC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pasay City noong Nobyembre 19. Ang kanilang layunin ay makatulong upang mapabilis ang pag-repack ng family food packs para sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Pepito.
Ang TUPAD, na pinangungunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE), ay isang cash-for-work program na nagbibigay ng agarang hanapbuhay sa mga manggagawa mula sa impormal na sektor. Sa pamamagitan ng programang ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga manggagawang tulad ni Dhang Roque na makapagtrabaho habang tumutulong sa inisiyatibo ng pamahalaan.
Kahit na maghapong abala sa pagre-repack ng relief goods sa NROC, hindi alintana ang pagod sa kanyang mukha.
“Masaya kami kasi nakatulong kami kahit pagod, kahit mahirap,” ani Dhang.
Ayon sa DSWD, nananatiling sapat ang kanilang stock ng relief supplies upang agarang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya sa mga nasalantang lugar. Kasabay nito, tiniyak nila na ang mga prosesong gaya ng pagre-repack ay maayos na naisasagawa sa tulong ng iba’t ibang grupo, kabilang ang TUPAD, mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang boluntaryo.
Patuloy na binabantayan ng DSWD ang sitwasyon sa mga apektadong lugar upang masiguro ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Pepito. (GLDG/PIA-NCR)
0 Comments