LUNGSOD QUEZON, Hunyo 2 (PIA)--Tiniyak ni Quezon City Mayor Herbert M. Bautista na may sapat na silid- aralan sa lungsod para sa mahigit 400,000 mag-aaral na inasahang dadagsa ngayong pasukan sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa ciudad sa unang araw ng klase sa ika-13 ng Hunyo.
Naglaan ang pamahalaang lungsod ng P1.3 bilyon para sa pangangailangang pang-edukasyon tulad ng pagbili ng lupang pagtatayuan ng mga bagong eskwelahan, kabilang na ang pagpapatayo ng dagdag na mga klasrum para sa senior high school.
Sa kasalukuyan, ang pamahalaang lungsod ng Quezon sa pamumuno ni Mayor Bautista ay nakapagpatayo ng walong schoolbuilding sa ilang public high school na may kabuuang 128 silid aralan na gagamitin ng mga mag-aaral na papasok sa senior high school.
Bukod sa naipatayong gusali, ilang lote din ang nabili ng lungsod upang pagtayuan ng schoolbuilding para sa senior high school, ilan dito ang Feliciano Roxas property para sa Nagkaisang Nayon High School, Cardenas property para sa Tandang Sora High School, Hilsa Industrial Corporation property para sa Payatas High School, Rivera property para sa Kaligayahan High School, at EJ realty property para sa Pasong Tamo High School.
Dagdag pa sa mga bagong silid-aralan na gagamitin para sa senior high school ang dagdag na 146 na klasrum sa 18 public high school na pinondohan ng National Government.
Sa ulat ng division of city schools, mayroong kabuuang 31,641 junior high school student mula sa mga pampublikong paaralan sa lungsod at 3,046 sa mga ito ay mananatili sa public high school, 1,027 ang papasok sa kolehiyo at universidad, at 16,579 sa pribadong paaralan.
Ang pamahalaang lungsod ay kumuha din ng 111 bagong guro para sa Grade 11 na nagsanay ng animation, programming, illustration at technical drafting mula sa Korphil IT Training Center sa Barangay San Bartolome at tumanggap ng National Certification mula sa TESDA.
Sa ngayon, ang QC ay may 96 public elementary at 46 high school na nakahanda para sa 433,612 na estudyante ngayong pasukan. (QC PAISO/RJB/SDL/PIA-NCR)
0 Comments