LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Bilang tugon sa kahilingan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na mabakunahan ang mga mangangawa sa likod ng industriya ng pelikula at telebisyon na kabilang sa A4 priority group o essential workers, aabot sa 500 filmmakers ang nabakunahan Huwebes ng gabi.
Binisita ni Mayor Joy Belmonte kasama si FDCP Chairperson Liza Diño-Seguerra ang Bakuna Nights vaccination program sa Quezon City Hall.
Ayon kay Mayor Joy, ang mga film and entertainment industry workers na nakatira o nagtatrabaho sa QC ang isa sa mga dahilan kung bakit tinaguriang "City of Stars" ang lungsod, at sila ay labis ring naapektuhan ng pandemya lalo't hirap pa silang makaagapay sa limitadong galawan sa mga shooting.
Lubos naman ang pasasalamat ni FDCP Chair Liza Diño-Seguerra sa QC government dahil aabot sa 1,000 pang manggagawa sa industriya ang nakatakdang mabakunahan sa mga susunod na araw.
Hinarana rin ni Ice Seguerra ang mga babakunahan at mga frontliner upang pasiglahin pa ang #QCProtekTODO vaccination program ngayong gabi.
Layon ng QC Bakuna Nights na mabakunahan ang mga essential worker na hindi makapagliban sa kanilang trabaho sa umaga, lalo na ang mga no work-no pay personnel. (QC PAISO/PIA NCR)
0 Comments