LUNGSOD CALOOCAN, June 21 (PIA) -- Binabalaan ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon ang publiko hinggil sa ilang manggagantsong nagpapakilala bilang mga opisyal umano ng gobyerno para makapanloko at makapanghingi ng pera o mga mamahaling kagamitan.
Ito ang napag-alaman ng Office of the City Mayor kung saan ang modus na ito ay ginagawa sa pamamagitan ng tawag sa telepono, mensahe sa text o social media, at mga email na nagpapanggap na galing sa mga opisyal na tanggapan upang makapanlinlang.
"Maging maingat po sana tayo at maging mapagbantay. Ang Office of the City Mayor, sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte, at iba pang departamento ng pamahalaan ng Quezon City ay hinding-hindi manghihingi o mangingikil ng pondo o kagamitan mula sa publiko," babala ng lokal na pamahalaan.
"Maging babala na rin po ito sa mga gumagawa ng scam na ito: Hindi mag-a-atubili ang Office of the City Mayor at ang Quezon City Police Department (QCPD) na gawin ang lahat ng paraan upang matiklo ang mga gumagawa ng panlolokong ito," dagdag pa nito.
Paalala ng lokal na pamahalaan, kapag kayo po ay nakarinig or nakaranas ng ganitong panggagantso, maaaring i-report agad ang mga pangyayari sa pamamagitan ng Helpline 122 o helpdesk@quezoncity.gov.ph. (PIA NCR)
0 Comments