Philippine Information Agency NCR

Hamon ni Pnoy, makiambag at ipagpatuloy ang nasimulang laban

LUNGSOD NG TAGUIG, Set. 31 (PIA)—“Makiambag at ipagpatuloy ang nasimulang laban,” hamon na binitiwan ng Pangulong Benigno S. Aquino III, panauhing pandangal kahapon sa pag gunita ng National Heroes Day, kahapon (Agosto 31), na ginanap sa Libingan ng mga Bayani, Lungsod ng Taguig.

“Sa araw pong ito, pinapahalagahan at binibigyang-karangalan natin ang mga inialay na sakripisyo ng mga bayaning Filipino. Kaakibat ng pagdakila natin sa kanila, tinatawag tayong makiambag at ipagpatuloy ang sinimulan nilang laban—sa maliit man o malaking paraan—para sa ikabubuti ng ating sambayanan,” pahayag ng Pangulong Aquino.

Ayon sa Pangulo, nababalewala at nawawalan ng saysay ang mga pag gunita sa kabayanihan ng mga taong nag alay ng kanilang talino at buhay kung hindi naman isinasabuhay ang prinsipyo at ipinaglaban ng mga dinadakilang indibidwal.

Sinabi pa ng Pangulo na bawat isa may tungkulin at kakayahang makilahok sa pagpapabuti ng kalakhang lipunan—mula sa simpleng pagsunod sa mga batas at patakaran; sa pagbubukas-palad sa kapwa, lalo na sa mas nangangailangan; hanggang sa kahandaang ipaglaban ang tama’t makatwiran nang walang pinipiling panahon at pagkakataon.

Dagdag ng Pangulo na sa maraming pagkakataon, ipinakita ng mga Filipino ang kakayanan na gumawa ng makabuluhang pagbabago.

“Sa kasaysayan ng ating lahi, napatunayan na ng napakaraming Pilipino—mula sa rebolusyon ng 1896, sa kalayaan mula sa España noong 1898, sa pagkamit natin ng kasarinlan mula sa Estados Unidos noong 1946, sa EDSA People Power Revolution noong 1986, hanggang sa pagkakaisa ng sambayanan noong 2010—kaya nating gumawa ng makabuluhang pagbabago,” pahayag ng Pangulo.

“Kaya nating iangat at paunlarin ang ating bansa. Ang kailangan lang, isang bayan tayong magkapit-bisig, kumilos, at magbayanihan, nang sa gayon hindi na kakailanganin pang iatang sa iilang balikat ang mas mabibigat na pasanin ng bansa,” dgdag ng Pangulo.

Sa okasyon, inilunsad din ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang aklat na “Ang Mamatay Nang Dahil Sa’Yo,” isang aklat tungkol sa kabayanihan ng mga Filipino lumaban sa diktadurya at Batas Militar na dinanas sa bansa mula taong 1972 hanggang 1986.

Ang aklat na isinulat ni Gng. Caroilina S. Malay ay naglalayong panatilihing buhay sa alaala ng kasalukuyan, maging sa mga susunod na henerasyon ang kabayanihang inihandog ng mga bayaning Filipino para sa kapwa Filipino. (PIA-NCR/RJB/SDL)

See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/231440992828/hamon-ni-pnoy-makiambag-at-ipagpatuloy-ang-nasimulang-laban-#sthash.dwpKKZAG.dpuf

Post a Comment

0 Comments