Philippine Information Agency NCR

DSWD nanawagan ng tulong para sa mga batang-lansangan

LUNGSOD QUEZON, Nobyembre 111, (PIA) –Nananawagan si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo na pagtuunan ng pansin ang mga batang lansangan, bigyan ng tamang tulong at pangangalaga.   Sinabi ni Taguiwalo na kailangan ang tulong ng publiko dahil sa iba’t ibang klaseng panganib ang sinusuong ng mga batang ito dahil bukas sila sa lahat ng klase ng pang-aabuso.   “Ang kalagayan ng mga batang naglipana sa lansangan ay isa sa mga pangunahing alalahanin ng aming ahensiya. Kami ay nababahala sa dumaraming mga bata na halos lahat ng oras nila ay ipinamamalagi na sa lansangan upang makapaghanapbuhay para sa kanilang pamilya,” aniya pa.   Dagdag pa ni Taguiwalo, “Maraming karapatan ang mga batang lansangan na hindi na naibibigay. Hindi na sila makapag-aral, walang makain, mapanganib ang kanilang kapaligiran at walang akses sa pangkalusugan. Hindi na nila malasap ang ligaya ng buhay bata dahil sa matinding kahirapan kaya’t wala na silang normal na buhay. Ang ugat nito ay dahil sa kabiguan ng estado na mabigyan sila ng tamang “social support”. 

Kinakailangan ang agarang pagtulong para mailagay sila sa maayos at ligtas na lugar.”   Sa kasalukuyan ay mayroong programa ang DSWD para sa kanila, ang “Comprehensive Program for Street Children and Street Families.” Ang programa ay nagbibigay mga serbisyo, interbensiyon at oportunidad  upang mamuhay silang kapakipakinabang sa isang ligtas na komunidad.   Sa ilalim ng programa, abot sa 5,398 na batang lansangan  ang nabigyan ng tulong edukasyon at mga 15,557 naman ang nakadalo sa mga activity session na ibinigay ng mga DSWD activity center sa Metro Manila mula 2011 hanggang 2016.   

Nakipagtulungan naman ang DSWD Central office at mga field offices nito, mga,lokal na pamahalaan, non-government organization at mga ahensiya ng pamahalaan nang mabigyan sila ng tulong sa pamamagitan ng DSWD Twitter account na @savestreetkids. Ang sinumang concerned citizen ay maaaring magreport sa account na ito sa pamamagitan ng pagsasabi ng eksaktong kinalalagyan at kalagayan ng nanganganib na bata.   

Sa oras na  matanggap ng DSWD, sasagutin ito ng moderator bilang pagtanggap at ibibigay ang detalye sa  unit na namamahala sa rescue. Ang rescue unit ang tatasa ng sitwasyon at kanilang pag-uusapan ang nararapat na aksiyon kasama na ang gagawing “inter-agency reach out operation”.   

Paano isinasagawa ang “inter-agency reach out operation?”   Isinaalang-alang sa reach out operation ang mga sumusunod: a) Kailangang kaagad makikilala ang lahat ng miembro  ng “reach out” sa pamamagitan ng pag-suot ng id na  madaling makita at ng uniporme. 

Sila ay magpapakilala at magpapaliwanag ng kanilang magandang layunin kasama ang kaseguruhang hindi masasaktan ang bata; 2) Ang pagkuha sa bata  ay gagawing mahinahon at may dignidad; 3) Kaagad na dadalhin ang bata sa  diagnostic and assessment center para sa karampatang oryentasyon at ebalwasyon. Dito  pinapayagan ang bata na makausap ang kaniyang guardian o magulang; 4)  Kung kinakailangang madala sa isang child care o pansamantalang tirahan, ang tamang “turn over” na dokumentado ay isasagawa; 5. Pagkatapos ng “reach out operation” kinakailangan ang patuloy na pamamahala at pagsubaybay ng isang social worker. Gagawa naman ang reach out team ng post evaluation at magbibigay ng ulat sa taong nagreport ng kaso.   Sinabi ni Secretary Taguiwalo na kailangang ang isang mas malakas na kooperasyon ng inter-agency at ng publiko, at, ipaalam sa lahat ang proseso ng “reach out”.   Paliwanag ni Taguiwalo, “Iniwasan namin ang walang habas na paghuli at paglabag sa karapatan ng bata sa mga reach-out operations. Kaya nakikiusap kami na konting pasensiya kung mahaba at mabagal ang proseso. Gusto namin na ipaalam ito sa publiko upang sila ay maging proactive sa pagrereport at sa pagtutulong sa operasyon.”   

Biinigyang diin niya na kailangan ang mahigpit na koordinasyon ng inter-agency team kasama ang mga LGU, barangays, pulis at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa epektibong operasyon at upang mabawasan ang pagsasamantala sa kahinaan ng mga bata at pamilyang nasa kalsada.   Samantala, muling nanawagan ang Kalihim sa publiko na huwag magbigay ng limos upang maiwasan ang pagdami ng mga namamalimos sa mapanganib na kalsada lalo na ngayong Pasko.   

"Nauunawaan ko na marami sa inyo ang naaawa sa mga batang lansangan na umaakyat ng mgasasakyan upang mamamalimos. Mabuti ang inyong hangarin subalit peligroso ang ginagawa ng mga bata at maaaring sila ay maaksidente at masaktan.. Kung gusto niyo  talagang tumulong ay maaaring magbigay ng pagkain,” pakiusap ni Taguiwalo.    

“Maraming paraan upang matulungan ang mga batang ito.  Maaaring magreport ang publiko sa kinalalagyan ng bata at ipadala ang impormasyon sa DSWD twitter account na @savestreetkids. Maaari ding magsagawa ng mga community Christmas party o caroling para sa mga batang lansangan. 

Maaari ding magsagawa ng mga charity drives kung saan sila ang magbebenipisyo.   Puwede ring magdonate sa DSWD at iba pang organisasyon  na tumutulong sa mga batang lansangan. Ang tulong ng bawat isa ay mahalaga para sa kanilang kabutihan at nang mailayo sila sa mapanganib na kapaligiran,” pagwawakas ni Taguiwalo. (DSWD/RJB/LFB)

Post a Comment

0 Comments