by: Alice V. Sicat
LUNGSOD QUEZON (PIA) — Matagumpay na nakakuha ang administrasyong Marcos, Jr. ng mga concessional official development assistance (ODA) financing at grants mula sa mga development partner nito ngayong taong 2024 upang pondohan ang mga makabuluhang proyekto sa ilalim ng Build Better More program at iba pang mahalagang proyekto sa bansa.
Sa kabuuan, umabot sa USD 5.67 bilyon (PHP 333.42 bilyon) ang halaga ng 12 financing agreements na nilagdaan ng Department of Finance (DOF) ngayong taon para sa mga proyekto sa imprastraktura, transportasyon, depensa, digital na teknolohiya, kalusugan, at agrikultura.
Kabilang dito ang ikatlong tranche ng pondo para sa Metro Manila Subway Project (Phase 1), ang kauna-unahang underground railway system ng bansa. Kapag natapos, ito ay magpapabilis ng pagbiyahe sa Metro Manila, magpapabawas ng trapiko, at magpapababa ng gastos sa transportasyon para sa mga manggagawa at commuter. Kasama rin ang mga proyektong Dalton Pass East Alignment Alternative Road Project, na magpapabuti ng kaligtasan at accessibility ng mga kalsada; at Bataan-Cavite Interlink Bridge Project, na magpapabilis ng koneksyon sa pagitan ng Luzon areas.
Kasama rin sa mga napondohan ang digital transformation programs na magpapalawak sa access ng mga Pilipino sa digital technology, gaya ng mas mabilis na internet at e-governance systems, na magpapadali sa pagproseso ng mga serbisyo publiko. Ang Build Universal Health Care Program ay magpapalakas sa sistema ng kalusugan ng bansa upang mas maraming Pilipino ang makakuha ng abot-kayang serbisyong medikal. Ang climate change action programs naman ay magbibigay ng mas ligtas na kapaligiran laban sa epekto ng pagbabago ng klima, tulad ng pagbaha at tagtuyot.
Bukod dito, nakapag-secure rin ang DOF ng USD 73.73 milyon (PHP 4.34 bilyon) na grants para sa 13 proyekto tulad ng flood forecasting systems gamit ang artificial intelligence (AI), urban climate action projects, at sewerage system development para sa Metro Cebu. Ang flood forecasting system ay makatutulong sa mas maagap na pagresponde sa mga sakuna, habang ang sewerage system ay magpapabuti sa kalinisan at kalusugan ng mga residente sa Metro Cebu.
Ang mga grant ay tulong na hindi kailangang bayaran at karaniwang nakatuon sa mga makabagong teknolohiya, kapayapaan, at climate adaptation. Sa mga proyektong ito, magkakaroon ang mga Pilipino ng mas malinis na kapaligiran, mas maayos na transportasyon, mas ligtas na mga komunidad, at mas maraming oportunidad sa trabaho.
Nagkaroon din ng mga government-to-government (G2G) na kasunduan ang Pilipinas sa France, Sweden, at South Korea upang magkaroon ng mas malawak na akses sa grants, teknikal na tulong, at blended financing para sa mga prayoridad na proyekto.
Sa pamamagitan ng maingat na debt management strategy ng DOF, nananatiling 77:23 ang financing mix ng bansa pabor sa domestic borrowings hanggang Nobyembre 2024, na nagresulta sa mas mababang foreign exchange risks at matatag na lokal na merkado. Dahil dito, nanatiling manageable ang debt-to-GDP ratio ng bansa sa 61.3% noong ikatlong bahagi ng taon.
“The Department of Finance takes the responsibility over our people’s money very seriously. Dahil bawat piso na ipinagkatiwala ng Pilipino sa atin ay simbolo ng milyong-milyong pangarap, pagsisikap, at pag-asa. That is why we make sure that we enter into partnerships with very trusted partners and that the terms of our agreements are very concessional and cost-effective so we can deliver more projects that create lasting impact for generations,” ayon kay Finance Secretary Ralph G. Recto.
(Seryosong tinatanggap ng Department of Finance ang responsibilidad sa pondo ng ating mga kababayan. Dahil ang bawat piso na ipinagkatiwala ng Pilipino sa atin ay sumisimbolo sa milyong-milyong pangarap, pagsisikap, at pag-asa. Kaya’t sinisiguro namin na pumapasok lamang kami sa mga pakikipagkasunduan sa mga mapagkakatiwalaang katuwang at ang mga kondisyon ng aming mga kasunduan ay lubos na paborable at cost-effective. Sa ganitong paraan, mas marami kaming maipatutupad na proyekto na may pangmatagalang epekto para sa susunod na henerasyon.) (DOF/AVS-PIA-NCR / DALL-E Photo)
0 Comments