Philippine Information Agency NCR

Dagdag na ‘leave benefits’ para sa mga kasambahay

MAYNILA, Hulyo 10 (PIA)--Maaari nang magtamo ng karagdagang leave benefits ang mga kasambahay alinsunod sa mga probisyon ng Domestic Workers' Act o Kasambahay Law.
Naglabas ng labor advisory si Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagsasaad na tatlong batas na magiging batayan ng karagdagang special leave benefits para sa mga kasambahay.
Batay sa ipinalabas na labor advisory, ang mga kasambahay na pasok sa alituntunin ng Solo Parent Leave (RA 8972), Special Benefit for Women under the Magna Carta for Women (RA 9710), at Violence against Women and their Children (VAWC) Leave (RA 9262) ay maaaring magtamo ng leave benefits ayon sa batas.
 Ang mga nasabing benepisyo sa leave ay liban pa sa limang araw na service incentive leave na isinasaad sa ilalim ng Labor Code.
 Ang mga domestic household workers ay maaaring mag-aplay para sa Solo Parent Leave sa ilalim ng RA 8972 kung sila ay magsasagawa ng parental duties and responsibilities kung saan kinakailangan ang kanilang pisikal na presensya.
 Sa ilalim naman ng Special Leave Benefit for Women under the Magna Carta for Women, o RA 9710, mayroong 2 linggo hanggang 2 buwang paid leave na maaaring matamo ang mga kasambahay na kailangang magsailalim sa mga surgical procedures katulad ng dilatation, curettage, hysterectomy, ovariectomy, at mastectomy, na bunga ng mga gynecological disorders.
 Ang mga kasambahay naman na biktima ng pisikal, sekswal, at sikolohikal na mga karahasan ay may karapatang magtamo ng hanggang 10 araw na paid leave sa ilalim ng Violence against Women and their Children (VAWC) Leave.
 "Ang ating mga household service worker ay may karapatang makuha ang mga benepisyo sa ilalim ng RA 10361, o Batas Kasambahay. Ang mga employer naman ay hindi pinagbabawalan na magbigay ng karagdagang benepisyo liban pa sa minimum requirement ng batas," wika ni Bello.
Hinikayat rin ni Bello na magkaroon ng maayos na dayalogo sa pagitan ng kasambahay at kanilang employer para maresolba ang anumang hindi pagkakaintindihan.
 Isinasaad sa RA 10361 ang mga benepisyo para sa mga household service worker tulad ng standard minimum wage, at iba pa.
Ang Kasambahay Law, isang makasaysayang batas sa larangan ng labor at social legislation ay nagsasaad ng mga karapatan ng mga household service workers katulad ng SSS, Philhealth, and Pag-Ibig, 13th-month pay, 5 araw na taunang service incentive leave, at isang buong araw na pahinga sa bawat linggo. (DOLE/PIA-NCR)

Post a Comment

0 Comments