LUNGSOD CALOOCAN, Hunyo 22 (PIA) -- Maaari nang mabakunahan kontra COVID-19 ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na lalabas ng bansa, ayon mismo sa hepe ng Metro Manila Center for Health Development ng Department of Health (DOH)
Sa panayam ng Caritas News On the Go, sinabi DOH NCR chief Dr. Gloria J. Balboa na kinakailangan nang lumabas sa bansa ang mga OFW upang makapagtrabaho at makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Ipinaliwanag din ni Dr. Balboa na maaaring mag-register online sa kanilang lokal na pamahalaan ang mga nagnanais na mabakunahan ng at magkaroon ng proteksyon kontra sa coronavirus disease.
"Napakahala po na malaman ng ating mga kababayan na mayroong online registration para sa COVID-19 vaccines sa bawat local government unit kung nasaan sila," sabi ng duktor.
"Para po mapabilis 'yung proseso, mag-register sila online. Ngayon, kung hindi po nila alam kung papaano magpatala online ay maaari po silang pumunta sa kanilang barangay hall o kaya sa pinakamalapit na health center para i-assist po sila kung papaano mag-register," aniya.
Sinabi pa ni Balboa na sakaling online ang registration ay makatatanggap ang nag-register ng text message mula sa kaniyang lokal na pamahalaan hinggil sa vaccination schedule.
Ibinalita rin ng opisyal na may "magandang trend" na nakikita ang mga health expert hinggil sa pagbaba ng mga bilang ng kaso ng COVID-19 sa Kamaynilaan, subalit mas mabagal pa rin ito kaysa sa inaasahan ng gobyerno.
"But still kailangan pa rin natin mag-monitor kasi medyo mabagal pa rin ang pagbaba," aniya.
"Gayundin, kailangan pa rin natin i-observe 'yung mga minimum health standards at mga protocol. We don't have to be complacent," dagdag pa niya. (PIA NCR)
0 Comments