by: Jumalynne Doctolero
PATULOY ang pagtaas ng kaso ng dengue sa ilang bahagi ng Kamaynilaan na walang pinipiling panahon at pagkakataon. Libu-libong Pilipino ang naapektuhan taon-taon, at ang ilan sa mga kaso ay nagiging malubha. Bagamat wala pang tiyak na gamot kontra dengue, ang tamang pag-iwas at pag-unawa sa impormasyon ay makakatulong upang labanan ang sakit na ito.
Ano ang dengue?
Sabi ng mga eksperto sa kalusugan, ang dengue ay nakukuha mula sa kagat ng lamok na Aedes aegypti. Kabilang sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, likod ng mata, tiyan, pagsusuka, at rashes. Sa malulubhang kaso, maaaring magdulot ito ng dengue hemorrhagic fever o dengue shock syndrome na maaaring magresulta sa kamatayan kung hindi agad maagapan.
Kampanya: Alas-Kwatro Kontra Mosquito
Ipinakilala ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa lungsod ang inisyatiba ng Kagawaran ng Kalusugan at ng lokal na pamahalaan laban sa dengue na tinatawag na ‘Alas Kwatro, Kontra Mosquito’ noong Pebrero 24, 2025. (Courtesy: Quezon City government)
Ayon kay Jerold T. Tagbo, information officer ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development, inilunsad ang kampanyang “Alas-Kwatro Kontra Mosquito” upang labanan ang pagtaas ng kaso ng dengue. Ang kampanya ay nakatutok sa mga simpleng hakbang: Taob, Taktak, Tuyo, at Takip.
- Taob: Siguraduhing nakataob ang lahat ng lalagyan ng tubig tulad ng palanggana at timba. Ang stagnant water ay paboritong pugad ng lamok.
- Taktak: Itaktak ang mga sisidlan ng tubig upang matiyak na walang natitirang tubig na maaaring maging breeding ground ng lamok.
- Tuyo: Tiyaking tuyo ang mga lugar o gamit na maaaring nalagyan ng tubig, tulad ng tray at iba pang kagamitan.
- Takip: Takpan nang maayos ang mga lalagyan ng tubig tulad ng drum at timba upang hindi pamugaran ng mga lamok.
Pakikilahok ng publiko
Ayon kay Tagbo, mahigpit na hinihikayat ang publiko na makiisa sa layunin ng kampanya. Ang pakikilahok ng bawat sektor – mula sa sarili, pamilya, paaralan, barangay, at lokal na pamahalaan – ay napakahalaga.
Halimbawa, ang mga paaralan ay maaaring magpatupad ng regular na paglilinis ng kapaligiran at pagtuturo ng tamang kalinisan sa mga mag-aaral.
Mga karagdagang hakbang sa pag-iwas
Ibinahagi rin ni Tagbo ang ilang hakbang upang maiwasan ang dengue:
- Tanggalin ang mga posibleng pamugaran ng mga lamok.
- Magsuot ng mahabang manggas at pantalon.
- Gumamit ng insect repellent lotion at kulambo kapag natutulog.
- Kung makaramdam ng sintomas ng dengue, agad na magtungo sa health center o pagamutan. Suportahan din ang mga fogging at misting activities.
Ang pagsunod sa mga hakbang ng kampanya ay hindi lamang makapagliligtas ng buhay kundi magdudulot din ng inspirasyon ng pagkakaisa at disiplina.
Sa kada alas kwatro, magkaisa tayo. Taob, Taktak, Tuyo, at Takip – sama-sama nating labanan ang dengue! (JCO/PIA-NCR)
0 Comments